Pilit na sasampa ang Standard Insurance- Navy Team A at F2 Logistics Cargo Movers sa quarterfinals sa pagsagupa sa kani-kanilang karibal sa pagpapatuloy ng pool play ng 2016 Philippine Superliga (PSL) Challenge Cup beach volleyball tournament ngayon, sa Sands SM By the Bay sa Mall of Asia.

Mauuna munang magpapamalas ng kanilang galing ang dalawang grupo ng mga kalalakihan simula 8:00 ng umaga sa pagsasagupa ng walo sa sampung laban sa men’s division bago ang sagupaan ng mga kababaihan sa ganap na 3:00 ng hapon.

Nauna nang tumuntong sa quarterfinals ang pareha nina Patty Orendain at Cherry Rondina ng Foton Toplander, pati na ang tambalan nina Sheila Pineda at Aiza Maizo-Pontillas sa dalawang sunod na panalo sa Pool C, gayundin ang pares nina Juvelyn Gonzaga at Nerissa Bautista sa Pool D sa itinala na dalawang panalo.

Hindi na makakahabol ang Accel Quantum Plus sa Pool C na nabigo sa Foton at Petron XCS habang umatras na rin ang Mapua na kasama nito sa grupo.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Inaasahan din ang mahigpit na labanan ng pares nina Gonzaga at Nene Bautista ng RC Cola-Army A na makakatapat ang tambalan nina April Ross Hingpit at Jonafer San Pedro ng Meralco. Katabla ng Meralco ang FEU-Petron na may 1-1 karta.

Kinakailangan din ng UE Manila na magwagi kontra sa top seed na Standard Insurance Navy A para sa posibilidad na maagaw ang ikalawang silya sa Pool A. Ganito rin ang sitwasyon ng Standard Insurance B na sasagupa sa F2 Logistics na pares nina Danika Gendrauli at Aby Marano.

Huling magsasagupa sa importanteng laban sa women’s division ang FEU-Petron nina Kyla Atienza at Bernadeth Pons at ang Cignal Team Awesome nina Mary Grace Berte at Vhima Condada sa 7:00 ng gabi.

Sasabak sa men’s side sina Madsairi Nur-amin at Roldan Medino para sa Philippine Navy-A; Pajiji Alsali at Milover Parcon sa Philippine Navy-B; Rey at Reylan Taneo sa Cignal Team Awesome; Philip Bagalay at Paul John Cuzon sa Wayuk; Arjay Salcedo at Bobby Gartidula sa IEM; Geric Rodmar Ortega at Ruvince Abrot sa UE-Manila; Joshua Barrica at Jude Garcia sa FEU-A; Rikko Mamerto at Kevin Hadlocon sa FEU-B; at ang kambal na sina Daniel at Tim Young para sa SM By the Bay. (Angie Oredo)