May posibilidad na atake sa puso ang ikinamatay ng isang lalaking Australian, na natagpuang patay sa loob ng kanyang kuwarto sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw, Friday the 13th.
Kinilala ang biktimang si Collin Hall, 71, ng No. 127 Magsaysay Street, 6th Avenue, Barangay 123 ng nasabing lungsod.
Ayon sa report, ang pagkamatay ni Hall sa loob ng kanyang kuwarto ay nadiskubre ng live-in partner niyang si Lorna Miani, 55, dakong 4:00 ng umaga.
Kuwento ni Miani, nagulat na lang siya nang hindi na magising ang kanyang kinakasama.
“Akala ko po natutulog lang, ‘yun pala patay na ang asawa ko,” ani Miani.
Humingi pa ng tulong ang ginang sa kanyang mga kapitbahay para dalhin sa ospital si Hall, pero wala na itong buhay.
Ayon naman sa mga tauhan ng Scene on the Crime Operatives (SOCO), wala silang nakikitang foul play sa pagkamatay ng dayuhan. (Orly L. Barcala)