Bagamat naiproklama nang ang nanalo sa pagkaalkalde ng Makati City ay si Abigail Binay, hindi pa rin natitinag ang mga tagasuporta ni Mayor Romulo “Kid” Peña at lumusob sila sa city hall upang kondenahin ang umano’y pandaraya sa kanilang pambato.
Iginiit din ng mga tagasuporta ni Peña ang pagsasagawa ng vote recount dahil sa umano’y manipulasyon sa bilangan ng boto.
Ito ay matapos maiproklama na bilang halal na alkalde si Binay, kasalukuyang kongresista ng siyudad at anak ng natalong presidential candidate na si Vice President Jejomar Binay.
Ayon sa resulta ng botohan, umabot sa 15,999 ang lamang na boto ni Binay kay Peña.
Sinabi ng mga tagasuporta ni Peña na may nangyaring manipulasyon sa bilangan ng boto, lalo na sa Ikalawang Distrito, na itinuturong balwarte ni Mayor Kid.
Iginiit pa ng mga ito na nagkaroon ng malawakang vote-buying at dumagsa ang mga flying voter sa mga “embo” barangay kaya kaunti lang ang nakaboto para kay Peña sa ilang polling precinct. (Anna Liza Villas Alavaren)