Ngayong tapos na ang halalan, handa na si Pangulong Aquino na lisanin ang Malacañang at mag-enjoy ng “a more normal lifestyle” sa pagtatapos ng anim na taon niyang termino.

Sa panayam sa kanya ng CNN Philippines nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ng Pangulo na sisimulan na niya ang pag-eempake ng kanyang mga gamit at tatapusin na rin niya ang kanyang paperwork kasunod ng pagkakapanalo ng papalit sa kanya na si presumptive President-elect Rodrigo Duterte.

Kabilang sa mga plano ni Aquino ang pagbabalik niya sa bahay ng kanyang pamilya sa Times Street sa Quezon City, mag-istambay, at libutin ang bansa.

“After the elections, hopefully I will have some time to start packing up… finishing all of the stuff that are still on my plate that cannot wait,” sabi ni Aquino. “July 1 might really be bumming around time.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang una niyang gagawin pagkababa sa puwesto ay ang mag-host ng thanksgiving lunch o dinner para sa mga miyembro ng kanyang gabinete at mga kaibigang sumuporta sa kanyang administrasyon sa nakalipas na anim na taon.

Sa pagbabalik niya sa pribadong sektor, sinabi ni Aquino na plano niya “[to] take it easy” at i-enjoy ang mga pangkaraniwang bagay, gaya ng food trip sa iba’t ibang restaurant malapit sa kanyang bahay sa Times Street. Kilala ang binatang presidente sa pagkahilig sa burger at steak.

gayunman, wala sa balak ng Pangulo ang pagbibiyahe sa ibang bansa, at mas pipiliing libutin ang magagandang lugar sa Pilipinas.

“I’ll try to readjust to a more normal lifestyle,” sabi ni Aquino, idinagdag na kahit siya ay “jobless for a year”, may mga natanggap na siyang imbitasyon para sa iba’t ibang speaking engagements matapos siyang bumaba sa puwesto.

Aniya, mami-miss niya ang kakayahang agarang tugunan ang mga problema sa bansa, ngunit hindi naman niya hahanap-hanapin ang mga paninisi at pang-iinsulto sa lahat ng kanyang ginagawa.

Inaasahan din ng Presidente na maghihiganti sa kanya ang ilang naapektuhan ng kanyang mga naging desisyon at maaaring maghain ang mga ito ng “nuisance suits” laban sa kanya.

Gayunman, hindi niya ito pinangangambahan dahil naniniwala siyang wala siyang ginawang mali o labag sa batas sa buong panahon ng kanyang pamumuno. (GENALYN D. KABILING)