Kung may dalawang isyu na bumabagabag ngayon kay Pangulong Aquino, ang mga ito ay ang posibilidad ng diktaduryang istilo ng pamumuno ni presumptive President-elect Rodrigo Duterte kasabay ng posibleng pagkakahalal kay Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang bise presidente.

Nagpahayag ng pangamba ang Pangulo dahil posible aniyang bumalik sa madilim na panahon ng diktadurya ang bansa sa lideratong Duterte-Marcos.

“In the scheme of things, it is the President that has so much power in this country therefore if there is that tendency to be dictatorial, to disregard all of our laws then one should fear the ascendancy of Mayor Duterte,” pahayag ni Aquino sa panayam ng CNN Philippines nitong Miyerkules ng gabi.

“On an extended scale, if they both have that tendency then you see the potential for perpetuating the type of system which has failed so miserably just 30 years ago,” dagdag niya.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kilala sa kanyang “kamay na bakal” laban sa kriminalidad, si Duterte ang inaasahang magiging susunod na pangulo ng bansa matapos lumamang ng mahigit anim na milyong boto sa kanyang katunggali na si Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa partial at unofficial count sa mga boto.

Una nang sinabi ni Duterte sa kanyang pangangampanya sa iba’t ibang lugar ng bansa na hindi siya magdadalawang-isip na gumamit ng “kamay na bakal” sa pagsugpo ng kriminalidad, droga at katiwalian sa gobyerno.

Bukod dito, ikinokonsidera rin ni Duterte ang pagpapatupad ng liquor ban at curfew para sa mga menor de edad sa buong bansa.

Aminado si Pangulong Aquino na marami ang nakuhang suporta ni Marcos sa halalan nitong Lunes, lalo na mula sa kabataan, na hindi aniya batid ang lagim na idinulot ng batas militar na ipinatupad ng yumaong ama ng senador na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr.

“Perhaps Senator Marcos benefited from the fact that a new generation is in place who finds it very difficult to imagine all of the problems we had during martial law years,” giit ni Aquino.