Hiniling ng isang local tabloid sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagkalat ng isang pinaghihinalaang pekeng tabloid na ginagamit upang siraan ang isang kandidato sa lalawigan.

Sinabi ni Tessie Pana, general manager ng Sun Star Davao Publishing, Inc., na humingi na sila ng tulong hindi lamang sa NBI kundi maging sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng pulisya para imbestigahan ang pagkalat ng pekeng issue ng kanilang Superbalita.

Aniya, handa ang kanilang kumpanya na kasuhan ang nasa likod ng naturang modus.

Nitong Miyerkules, sumipot si Pana, Superbalita managing editor Alger Dura, at newsroom supervisor Donna Cuyos, sa Digos City Police Office upang i-report ang pamamayagpag ng mga pekeng kopya ng pekeng dyaryo sa Sulop, Davao del Sur.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nag-ugat ang reklamo sa impormasyon na ipinarating ng isang concerned citizen nitong Linggo, isang araw bago ang halalan.

Ayon kay Dura, ginagamit ang mga pekeng kopya ng SunStar upang siraan ang kredibilidad ng isang kandidato sa kanilang lugar.

Sinabi sa ulat na kumakalat din ang pekeng pahayagan sa Barangay Poblacion, Pilili at Talas.

Ang mga pekeng kopya ng Superbalita ay may headline na,”Guwasnon! Gov. Dodo Cagas, makapyansa! (Malaya! Gov. Dodo Cagas, pinayagang magpiyansa!).” (Argyll Cyrus B. Geducos)