Kung natalo man sa larangan ng pulitika, iginiit ni Rain or Shine coach Yeng Guiao na hindi niya papayagang masilat pa ang laban ng Painters sa PBA Commissioner’s Cup.
“Hindi naman siguro masamang maniguro, pero amin na ito,” pahayag ni Guiao.
Tangan ang 3-0 bentahe sa Alaska Aces sa kanilang best-of-seven championship duel, tatangkain ng Painters na makamit ang kampeonato sa impresibong ‘sweep’ sa pagratsada ng Game 4 ngayon ganap na 7:00 ng gabi, sa Araneta Coliseum.
Sa kanyang pagkatalo sa kanyang re-election bid bilang Kongresista sa Pampanga, matibay din ang determinasyon ng Painters na maibigay kay Guiao ang pedestal ng tagumpay.
“Wala namang sinasabi sa min si coach,pero siyempre kung matatalo pa rin siya rito (PBA), dobleng sakit na yun sa kanya,” pahayag ni Elasto Painter big man Beau Belga.
“Gusto naming ipanalo Ito hindi lang dahil sawa na kami sa runner-up kundi para na rin kay coach,” aniya.
Ngunit sa kabila ng pagkakaiwan ng tatlong laro, walang balak ang Aces na iwagayway ang puting bandila.
“Game Four last chance na namin yun. Laban pa! Walang sukuan,” pahayag ni Aces guard Calvin Abueva.
(Marivic Awitan)