MAPAPANOOD sa Maalaala Mo Kaya ang isang kuwento ng katapangan at katatagan tungkol sa isang bata na sa murang edad at kaisipan ay sasabak na sa armadong pakikilaban ngayong Sabado sa ABS-CBN.
Bata pa lamang ay pinangarap na ni Rasul (Izzy Canillo) na maging sundalo. Ngunit magbabago ang buhay niya nang mawalay sa ina (Desiree del Valle) at mapipilitang manirahan kasama ang kapatid na si Roseller kapiling ang pangalawang asawa ng kanilang ama (Wendell Ramos).
Sa isang barangay sa Pikit, Cotabato, mamumulat ang mata nina Rasul at Roseller sa mga armadong lalaki at mga musmos nilang anak na miyembro ng rebeldeng grupo. Sa edad na pito, nagsimulang mag-training si Rasul kasama ang mga rebelde at matututong makibaka at ipaglaban ang idelohiya ng grupo.
Pagkaraan ng limang taon, magiging ganap na commander na si Rasul, ngunit babalik ang kanyang ina upang kunin ang anak at ialok ang mas magandang buhay sa kanya at sa kapatid.
Mapapatawad pa ba ni Rasul ang inang inakala niya’y umabandona sa kanila? Mas pipiliin ba ni Rasul ang buhay bilang batang sundalo kaysa bumalik sa eskuwela?
Kasama sa upcoming episode ng MMK sina Pen Medina, Victor Neri, Jenny Miller, Wynrill Banaag, at Hyasmin Neri, mula sa panulat ni Arden Condez at sa direksiyon ni Nick Olanka.