GS Warriors, umusad sa WC Finals.
OAKLAND, California (AP) — Sa ikalawang sunod na taon, sasabak sa NBA Western Conference finals ang Golden State Warriors.
Dumagundong ang hiyawan ng home crowd sa Oracle Arena nang kumpletuhin ng Warriors ang dominasyon sa Portland Trail Blazers, 125-121, sa Game 5 ng Western Conference best-of-seven semi-finals nitong Miyerkules ng gabi (Huwebes sa Manila).
Pumutok ang outside shooting ni Klay Thompson para maitumpok ang 33 puntos, habang kumana si Stephen Curry ng 29 na puntos, tampok ang three-pointer sa huling 24 na segundo para selyuhan ang 4-1 series victory ng defending champion.
Isang araw matapos tanghaling kauna-unahang ‘unanimous’ MVP sa liga, nagtala rin si Curry ng 11 assist.
“West finals two years in a row, it’s been a special, special season,” pahayag ni Thompson.
“We know what it takes to win in the playoffs. That might be the closest five-game series of all-time,” aniya.
Nag-ambag si Draymond Green ng 13 puntos, 11 rebound at anim na assist.
Nanguna sa Portland si Damian Lillard na may 28 puntos, habang kumubra si CJ McCollum ng 27 puntos.
Haharapin ng Warriors ang magwawagi sa duwelo ng Oklahoma City at San Antonio kung saan tangan ang Thunder ang 3-2 bentahe.
Naisalpak ni Thompson ang 13 for 17 at tinanghal na kauna-unahang player na nakapagtala ng lima o higit pang three-pointer sa pitong sunod na laro sa playoff. Nailista rin niya ang ikaapat na 30 puntos o higit pa sa postseason.
“Klay’s shooting was incredible tonight,” sambit ni Warriors coach Steve Kerr.
“Then the way Steph finished the game, that step-back shot to put it to a five-point lead was probably a shot only he can make. A gutty effort from a lot of guys. It wasn’t our best stuff, but we got it done,” aniya.
RAPTORS 99, HEAT 91
Sa Toronto, napantayan ni DeMar DeRozan ang career playoff high na 34 na puntos, habang kumana si Kyle Lowry ng 25 puntos sa panalo ng Raptors sa Miami Heat.
Muling naagaw ng Raptors ang 3-2 bentahe sa kanilang Eastern Conference semi-final series.
Nag-ambag si Bismack Biyombo ng 10 puntos sa Raptors, target na makausad sa Conference finals sa pagsabak sa Miami sa Biyernes (Sabado sa Manila) para sa Game Six.
Nagsalansan si Dwyane Wade ng 20 puntos para sa Miami, habang kumubra sina Goran Dragic at Josh Richardson ng tig-13 puntos. Kumana si Joe Johnson ng 11 puntos.
Umabot sa 20 puntos ang bentahe ng Toronto sa first half at napanatili ang double digit na abante sa pagsisimula ng final period. Ngunit, nagawang maidikit ng Heat ang iskor sa 88-87 mula sa ratsada ni Wade, may 1:54 sa laro.
Naisalpak ni DeRozan ang dalawang free throw at matapos ang krusyal na turnover ng Miami, bumanat ng three-pointer si Lowry para sa 93-87 abante ng Toronto, may 52 segundo ang nalalabi.
Naselyuhan ni DeRozan ang panalo sa apat na sunod na free throw.