MAHIGIT 80 porsiyento ng mga nakatira sa mga siyudad sa mundo ang lumalanghap ng maruming hangin, nagpapataas ng panganib sa pagkakaroon ng kanser sa baga at iba pang sakit na nakamamatay. Ito ang babala ng bagong ulat ng World Health Organization (WHO).
Ang mga residente sa mga siyudad sa mahihirap na bansa ang pinakamatinding naaapektuhan, ayon sa WHO, sinabing halos bawat lungsod (98 porsiyento) sa mga low- at middle-income na bansa ang may maruming hangin, na hindi makatutupad sa pamantayan ng ahensiya ng United Nations.
Nasa 56 na porsiyento naman sa mayayamang bansa.
“Urban air pollution continues to rise at an alarming rate, wreaking havoc on human health,” sabi ni Maria Neira, pinuno ng department of public health and environment ng WHO.
Batay sa huling air pollution database ng WHO, ang pangkalahatang pagbaba ng kalidad ng hangin sa mga siyudad sa planeta ay nagbibigay-diin sa tumitinding panganib sa mga delikadong sakit, kabilang ang stroke at hika.
Ikinumpara ng report, na tumutok sa kalidad ng hangin sa labas kaysa loob ng bahay, ang mga datos na nakolekta mula sa 795 siyudad sa 67 bansa sa pagitan ng 2008 at 2013.
Tinunton ang pagdami ng mapanganib na mga pollutant, gaya ng sulfate at black carbon, natuklasan ng WHO na bumubuti ang kalidad ng hangin sa mayayamang rehiyon, tulad ng Europa at North America, ngunit lumalala sa mga papaunlad na rehiyon, partikular na sa Gitnang Silangan at Timog-Silangang Asya.
Sa kabuuan, ang mga contaminant na taglay ng hangin sa labas ng bahay ang sanhi ng mahigit tatlong milyong maagang pagkamatay kada taon, ayon sa ahensiya ng United Nations.
Magkakaiba ang datos sa kalidad ng polusyon sa hangin sa iba’t ibang bansa, at walang ranking ang WHO sa mga bansang may pinakamaruming hangin.
Ngunit sa isang halimbawa ng mga piling pangunahing lungsod na may populasyong higit sa 14 na milyon, ang New Delhi ang may pinakamalalang populasyon, kasunod ang Cairo ng Egypt at Dhaka ng Bangladesh.
Wala naman sa listahan ang mga pangunahing siyudad sa Africa, gaya ng Lagos ng Nigeria, dahil hindi available ang datos sa kalidad ng hangin sa mga siyudad sa maraming dako ng kontinente, ayon sa WHO.
Samantala, tinukoy ni Carlos Dora, coordinator sa public health and environment department ng WHO, ang ilang pangunahing bagay na makatutunton sa kalidad ng hangin sa isang siyudad.
Una, transportasyon. Sinabi ni Dora na ang mga lungsod na nagawang masolusyunan ang problema sa trapiko sa pagsusulong ng paglalakad, pagbibisikleta, at pagko-commute kaysa gumamit ng pribadong sasakyan ay nakitaan ng pagbuti sa kalidad ng hangin.
Ang hindi wastong paggamit ng kuryente ay pangunahing dahilan sa pagdumi ng hangin, kabilang na ang malawakang paggamit ng diesel generator, ayon kay Dora.
Isa pang mahalagang bagay, aniya, partikular sa mahihirap na bansa, ang pangangasiwa sa basura, dahil matindi rin sa pagpapadumi ng hangin ang pagsusunog ng basura. (Agencé France-Presse)