UMANI na ng 7,329 likes ang Instagram post ni Regine Velasquez-Alcasid nang pasalamatan niya si Pangulong Noynoy Aquino dahil sa iniunlad ng ekonomiya ng bansa sa loob ng anim na taon niyang pamamahala. Binanggit sa post ni Regine ang pagsisimula ni PNoy sa $198 billion Philippine economy na ngayon ay umabot na sa $320 billion.
“Hindi ka naging perpektong president pero ginawa mo ang lahat para paglingkuran ang taong-bayan sa abot ng iyong makakaya. Maraming salamat, PNoy!”
Kung nagustuhan ng marami ang post ni Regine, hindi rin nawala ang bashers na kinontra ang sinabi ni Regine, pero wala raw siyang pakialam sa kanila.
Pagkatapos bumoto ni Regine at ng asawang si Ogie Alcasid noong May 9, ang wish nila ay magkaisa na ang bansang Pilipino at tulungan ang bagong pangulo na matupad ang ipinangako nitong pagbabago.
Umalis na rin si Regine para sa kanyang US concert tour, kasama ang anak na si Nate. Pero bago siya umalis, nag-advanced taping muna siya ng Poor Señorita, ang kanyang romantic-comedy series sa GMA -7.
“Kaya hindi ako pwedeng magtagal sa US concert tour ko, kailangan kong bumalik agad dahil ayaw kong mawala ako sa mga eksena namin,” natatawang sabi ni Regine na enjoy na enjoy sa lahat ng mga eksena ng serye.
“Mas marami kasing nakatatawang mangyayari pa sa aming serye, dahil ako as Rita, may temporary amnesia ako, na may natatandaan ako pero hindi ko natandaan na wala naman akong asawa at mga anak. Iyon kasi ang ipinilit sa akin ng asawa ko raw na si Paeng (Mikael Daez) at ng lima kong anak, na mga batang yagit na umampon sa akin. At ang naiba sa character ko, grabe akong magselos kay Paeng, dahil alam kong ako ang asawa niya ‘tapos nakikita ko siyang nagpi-flirt sa ibang babae at nagsisinungaling pa siya sa akin.
“Gustung-gusto ko talaga ang role ko sa Poor Senorita and I’m looking forward na gumaling na ang amnesia ko at makabalik na ako bilang ang milyonaryang si Rita Villon.
“Babalik ba ako sa dati kong mapagmataas na ugali o matatandaan ko ang mga aral at tulong sa akin ng limang batang umampon sa akin? At ano ang gagawin ko sa mga umagaw sa aking kayamanan na sina Tita Deborah (Snooky) at anak na si Piper (Valeen Montenegro) na ang alam ay naipapatay nila ako kay Kilmer (Kevin Santos)?”
Directed by Dominic Zapata, napapanood ang Poor Señorita gabi-gabi, pagkatapos ng 24 Oras. (NORA CALDERON)