SA huling partial and official returns ng Commission on Elections (Comelec), ang boto ni Leni Robredo ay umabot na sa 13.9 million, samantalang si Sen. Bongbong Marcos ay 13.7 million. Sa laban ng dalawa, mahigpit na nakamasid ang sambayanan dahil dikit na dikit ang kanilang laban at malalaman lamang kung sino sa kanila ang mananalo kapag nabilang na ang lahat ng boto. Eh, may mga botong naatraso ang transmittal sa iba pang panig ng bansa. May mga boto pang bibilangin pagkatapos ng special elections. Mahigit din isang milyong boto ang mga ito na pwedeng makaapekto sa lamang ni Robredo kay Marcos na mahigit na 200,000.

Pinatitigil ni Sen. Marcos ang bilangan sa Comelec at sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) dahil hindi raw niya maintindihan ang paglamang sa kanya ni Robredo. Sa simula kasi ay nangunguna na siya at lumalamang pa ng kulang isang milyong boto kay Robredo. Pero, nang tumigil ng isang oras ang bilangan at simulan muli ito, unti-unti nang humabol si Robredo hanggang sa ang huli na ang lumamang. Nais ni Marcos na magpaliwanag ang Comelec kung bakit nangyari ito. Kung hindi aniya ay magpoprotesta sila o kaya’y maghahain ng kaso o petisyon.

Nagkita-kita na nga ang kanyang mga kapanalig sa Luneta at mayroon pa silang ipinangakong ganitong pagkilos para punuin ang lugar.

Kung gugunatain lamang ni Marcos ang mga nangyaring halalan sa panahong nangingibabaw sila sa bayan sa ilalim ng batas militar, ibang uri ang mga ito. Iyong ginagawa niya ngayon na nagrereklamo at lumalabas sa kalye ay napakahirap gawin ng mga natalong kandidato. Alam ng mga pulitiko noon na lumalahok sa halalan na walang matinong mangyayari dahil kung ano ang gusto ng kanyang ama na magiging bunga nito ay siyang nagaganap. Alam nila ang nais palabasin ng kanyang ama na demokrasya ang diktaduryang pamamahala nito. Pero, lumalahok pa rin sila at lumalaban dahil sa bawat halalang itinataguyod ng kanyang ama ay ginagamit nilang pagkakataon para ipaliwanag sa sambayanan ang tunay na isyu.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Naging malinaw sa mamamayan noon na sa kasinungalingan nakabatay ang pamamala ni Marcos. Napakadali nilang mandaya at maneobrahin ang resulta ng halalan. Kaya, kahit malinis ang mangyayaring halalan, ay hindi paniniwalaan ni Sen. Marcos kung siya ang natatalo. Laging pagsususpetsahan ang resulta dahil nasanay siyang siya ang nanalo anumang klase ang halalang ito. Laging may dayaan ang halalan kapag siya ay natalo. Ang problema, iba ang kondisyon ngayon.

Ganoon pa man ay pinakikinggan siya at malaya niyang nasasabi at nagagawa ang sa akala niya ay hindi magandang nangyari sa kanya. (Ric Valmonte)