Handa na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa foreign policy strategy nito para sa pag-upo sa puwesto bilang bagong halal na Pangulo ng Pilipinas ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kaugnay ng arbitration case at usapin sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.

Sinabi ni DFA Undersecretary for Policy Enrique Manalo na nag-ambag na ang mga Embahada ng Pilipinas at public stakeholders ng kani-kanilang hakbangin sa naturang plano na layuning isulong ang interes ng bansa sa mga susunod pang taon.

Kabilang sa tatlong suporta ng Philippine foreign policy ay ang economic diplomacy, assistance to nationals at national security.

Ilang umiiral na dayuhang polisiya ang pinanatili ng kasalukuyang gobyerno at nagdagdag ng mga bagong elemento para sa long-term strategic plan kaugnay ng pinagtatalunang teritoryo sa WPS at mga senaryo sa post-arbitration.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Inihayag naman ni Lauro Baja, dating DFA undersecretary at Philippine Permanent Representative to the United Nations, na dapat na maghanda ang susunod na administrasyon sa pagharap sa hamon ng mga sensitibong dayuhang polisiya, lalo na sa usapin sa WPS.

Aniya, si Duterte at ang ibang nakatunggali nito sa pagkapangulo ay hindi naglabas ng konkretong plano sa mga tukoy na isyu na kahaharapin ng susunod na mamumuno kaugnay ng maritime dispute.

Sinabi pa ni Manalo na kabilang sa mga pandaigdigang hamon na kakaharapin ni Duterte ang pagtindi ng banta ng terorismo, climate change, cybercrime, human trafficking at iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao.

(Bella Gamotea)