Giniba ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang isang dalawang-palapag na stockroom na nagsisilbing extension ng kapilya sa isinagawang ika-32 “Oplan Galugad” sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nitong Miyerkules.
Ayon sa BuCor, may nagtimbre sa kawanihan na ginagamit umanong tulugan at imbakan ng kontrabando ang nasabing stockroom malapit sa Quadrant 1 ng maximum security compound sa NBP dahilan upang ito ang maging sentro ng ikinasang operasyon ng awtoridad dakong 5:30 ng umaga.
Sa paggalugad ng awtoridad sa lugar, narekober sa loob ng stockroom ang isang organ, drum set at isang kariton na puno ng kontrabando, kabilang ang mga lumang electric fan, DVD at mga tari ng panabong na manok.
Agad iniutos ng BuCor ang paggiba sa sementadong stockroom na may colored long span roofing na ipinagawa pa ng convicted drug lord na si Sam Chua may dalawang taon na ang nakalilipas.
Tiniyak ng pamunuan ng NBP na magtutuluy-tuloy ang Oplan Galugad sa Bilibid hanggang hindi nauubos ang mga kontrabando, kahit pa pakaunti nang pakaunti ang nakukumpiska sa mga selda sa nakalipas na mga buwan. (Bella Gamotea)