HALOS natabunan na dahil sa sangkaterbang balita tungkol sa katatapos na halalan ang ulat nitong nakaraang linggo tungkol sa pagpapahayag ng gobyerno ng Indonesia na naghahanda na ito sa pagbitay sa ilang bilanggo. Dahil dito, muling nabuhay ang pangamba para sa Pilipina na si Mary Jane Veloso, na naisalba sa pagbitay noong nakaraang taon makaraang umapela ang gobyerno ng Pilipinas kay Indonesian President Joko Widodo.
Abril noong nakaraang taon nang binitay ng Indonesia ang walong nahatulan sa drug trafficking, kabilang ang pitong dayuhan, at binalewala ang mga apela mula sa Australia at Brazil. Masuwerte naman si Mary Jane, na sinabing hindi niya alam na ang bagaheng ipinabitbit sa kanya ng kanyang kinakapatid ay may lamang heroin, dahil nagkaroon ng pandaigdigang panawagan laban sa pagbitay sa kanya. Maraming kilalang personalidad ang umapela para sa kanya, kabilang na si United Nations Secretary General Ban Ki-Moon at ang Nobel Peace Prize winner at dating pangulo ng East Timor na si Jose Ramos Horta. Nilagdaan din ng mahigit 250,000 katao mula sa mahigit 125 bansa ang petisyon para sa pagpapalaya sa kanya. Sa 2015 ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, nakipagpulong ang mga kinatawan ng ASEAN Youth Forum kay President Widodo upang iapela ang kanyang kaso. At mismong si Manny Pacquiao ay bumisita sa kanyang piitan.
Personal din na umapela si Pangulong Aquino para pagkalooban ng clemency ang Pinay sa dahilang kailangan ang testimonya nito sa paglilitis ng kaso sa umano’y nambiktima kay Mary Jane. Hatinggabi ng Abril 29, ilang araw bago ang nakatakdang pagbitay sa kanya sa pamamagitan ng firing squad, ginawaran ng stay of execution si Mary Jane. Isang taon na ang nakalipas at umuusad pa rin sa sistema ng hustisya ng Pilipinas ang kaso ng umano’y nambiktima kay Mary Jane. Samantala, nananatili naman sa death row ng Indonesia si Mary Jane. Biglang naalala na naman siya ng mga opisyal ng ating gobyerno kasunod ng inihayag sa Jakarta na ipagpapatuloy ng administrasyong Widodo ang mga pagbitay. At sa muling pagkatok ng suwerte para sa kanya at para sa mga nagkaisang umapela para isalba ang kanyang buhay noong nakaraang taon, inihayag ng tanggapan ng Indonesian Atorney General na hindi kabilang si Mary Jane sa mga susunod na bibitayin.
Sa ating panig, dapat na busisiin ng gobyerno ng Pilipinas ang kaso ng sinasabing nambiktima kay Mary Jane, na tinukoy ni Pangulong Aquino sa pag-apela niya kay President Widodo. Pagdating ng panahon, maidadagdag na ng bagong Pangulong Duterte ang kanyang tinig sa libu-libong umapela para sa buhay ni Mary Jane noong 2015.
Sa ngayon, dapat na ikonsidera ng gobyerno ang panukala ng lahat ng overseas Filipino worker (OFWs)—na dapat ay may hiwalay na Department on Migration and Development, upang eksklusibong tumugon sa mga pangangailangan ng mga OFW.
Tanging ang Department of Labor and Employment ang tumutugon sa mga karaniwang pangangailangan ng mga paalis na OFW, kabilang ang legalidad at saklaw ng kani-kanilang kontrata. Nakikialam lamang ang Department of Foreign Affairs kapag nahatulan na sa isang krimen ang OFW. Sinasabing walang nakukuhang ayuda ang mga OFW sa mga panahong kailangang-kailangan nila ito—sa panahon ng pagdakip hanggang sa paglilitis sa kanila, kapag kailangan nila ng abogado mula sa kinaroroonang bansa.
Ang Department of Migration and Development, na ipinanukala kamakailan ni Susan Ople, nagtatag at pangulo ng Blas Ople Policy Center, ay dapat na mapabilang sa mga prioridad sa Kongreso ng susunod na administrasyon. Malaki ang maitutulong ng kagawarang tulad nito sa mahigit 10 milyong OFW sa mundo, partikular na para sa mga gaya ni Mary Jane Veloso na nasangkot sa paglabag sa batas at nagdurusa ngayon sa bilangguan ng ibang bansa.