Wala talagang nakakalimot sa pangako—lalo na kung may kinalaman sa pagkain.

Isang bakeshop sa Tomas Morato, Quezon City ang mamamahagi ng P5-milyon halaga ng libreng cake bilang pagtupad ng may-ari sa ipinangako niyang gagawin sakaling mahalal bilang susunod na presidente si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Nobyembre 2015 nang tawagin ni Eliaquim “Chef Jack” Labang, pastry chef at may-ari ng Quim's Cake Bakeshop and Cafe, na “sinungaling” si Duterte matapos na pormal itong maghain ng Certificate of Candidacy (CoC) sa pagkapangulo makaraang paulit-ulit na tanggihan ito.

“’Pag manalo si Duterte manok n’yo guys, gagawa ako ng maraming cakes pinakamasarap na cakes sa Pilipinas worth 5Milyon para ipakain for free siguraduhin n’yo lang manalo sya. mark my word,” saad sa post ni Labang sa Facebook na agad din naman niyang tinanggal.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Gayunman, matapos mamayagpag si Duterte sa partial at unofficial election results ng Commission on Elections (Comelec) ay muling ipinost ng netizens nitong Martes ang screenshots ng nasabing post ni Labang at sinabing hindi nila ito nakakalimutan.

Isang Facebook event pa ang itinakda at halos 34,000 netizen ang nagsabing kukunin nila ang libreng cake sa Hunyo 30.

At ngayong naghihintay na lang si Duterte na manumpa sa tungkulin bilang bagong pangulo ng bansa, muling nag-post sa Facebook si Labang—na hindi bumoto sa alkalde—para sabihin sa mga netizen na tutupad siya sa kanyang ipinangako.

Dalawang taon pa lang sa merkado ang Quim’s Cake at kahit na maraming cake flavor, pinili ni Labang na mamigay ng slices ng kanyang best-seller—nasa 38,462 sample ng kanyang chocolate cake na nagkakahalaga ng P130 kada slice.

“To celebrate a clean and free elections and in honor of our new leaders, we stay true to our promise of sampling P5 million worth of cakes to [you] in scheduled batches,” saad sa Facebook post ni Labang.

Pero may kondisyon, ayon kay Labang. Kailangang i-like ng mga netizen ang Facebook page ng bakeshop at magpareserba ng slot sa pagpapadala ng pangalan, edad, address, at contact number sa [email protected].

Gagawin ang sampling sa shop ni Labang sa Tomas Morato para sa unang 50 kostumer na may reserved slots, 3:00-5:00 ng hapon sa una at ika-15 araw ng bawat buwan simula sa Hulyo 2016. Ipamamahagi ang libreng cake slices hanggang sa 2017