NAGHIYAWAN ang mga taga-Lipa City pati na ang mga kababayan na nanggaling sa iba’t ibang bayan ng Batangas nang iproklama si Vilma Santos-Recto bilang kauna-unahang kongresista ng kalilikha pa lamang na lone district ng siyudad.
May isa pang napaiyak na ang katwiran nang tanungin namin ay iiwanan na raw kasi sila ng kanilang gobernadora ngayong magiging kinatawan na ito ng Lipa.
Pero ayon kay Ate Vi, papasyalan pa rin niya ang buong Batangas lalo na ang mga naging empleyado niya sa Kapitolyo.
Tinambakan ni Congresswoman-elect Vilma Santos ang kalaban niyang asawa ng incumbent mayor.
Lahad ni Ate Vi, may mga tatapusin pa rin naman siyang natitirang mga obligasyon sa Kapitolyo ng Batangas at pagkatapos ay saka na niya haharapin ang pagiging congresswoman.
Dagdag pa niya, hindi na kagaya ng pagiging gobernadora ng isa sa pinakamalaking probinsiya ng bansa ang haharapin niyang obligasyon bilang representative ng Lipa.
Natawa ang Star for All Seasons nang tanungin namin kung tatapusin din ba niya ang tatlong termino (siyam na taon) bilang congresswoman kagaya ng pagiging mayor at gobernadora niya?
“Hindi naman tayo bumabata. And one more thing, wala rin po tayong political agenda. Basta ang importante ngayon, eh, dapat magkaisa ang lahat at magtrabaho para sa bansa. Ke ano pa at kung saang partido ka man nanggaling, eh, dapat magtulungan tayo,” sey pa rin ng aktres.
Samantala, bukod kay Ate Vi ay wagi rin ang mga taga-showbiz na sina Manila Mayor Joseph Estrada, mayor-elect ng Ormoc na si Richard Gomez (after three attempts). Panalo pa ring mayor ng Sta. Rosa, Laguna si dating congressman Dan Fernandez. Nangangamoy panalo rin ang paborito ng karamihan sa mga taga-showbiz para maging vice president na si CamSur Cong. Leni Robredo.
Makakasama rin ngayon ni Ate Vi sa Kongreso ang asawa ni Goma na si incumbent Congresswoman Lucy Torres, Cong. Alfred Vargas (District 5, QC), Yul Servo (Dist. 3, Manila), Monsour del Rosario (Makati), at konsehal naman sina Jomari Yllana (Parañaque), Jeremy Marquez (Parañaque), Vandolf (Parañaque) at Roselle Nava (Parañaque pa rin).
Nanalo ring konsehal sina Precious Hipolito-Castelo, Hero Bautista, Roderick Paulate, Anjo Yllana, Jong Hilario, Rico Puno, at Vico Sotto.
Nanalo rin si Lani Mercado sa pagkamayor ng Bacoor at ganun din si Cristina Gonzales sa Tacloban, Leyte; re-elected si Jolo Revilla bilang vice-governor ng Cavite, at vice mayor na rin ngayon ang dating sexy star na si Andrea del Rosario (Calatagan, Batangas).
Pero marami ring taga-showbiz ang nalungkot sa pagkatalo nina Isko Moreno, Mark Lapid, Alma Moreno at Rey Langit, ER Ejercito (Laguna) at si Sen. Grace Poe,.
Laglag din sina Angelica Jones, Philip Salvador, Daisy Reyes, Ronnie Ricketts at marami pang iba. (JIMI ESCALA)