SI Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang lumilitaw na unang pangulo mula sa Mindanao. Halos lahat yata ng pangulo ay nagmula sa Luzon at Visayas. Bagamat si Mang Rody ay isang Mindanaoan, hindi siya isang Muslim, isa siyang Kristiyano. Gayunman, dama at salat niya ang damdamin at kaisipan ng taga-Mindanao na laging saklot ng kahirapan, kagutuman at diskriminasyon ng tinatawag na “Imperial Manila.”
Humagulgol na parang batang paslit ang machong alkalde nang dalawin niya ang puntod ng mga magulang dakong 3:00 ng madaling-araw nang malamang siya ang nangunguna sa mga ibinoto bilang susunod na pangulo. Partikular na hiningan niya ng tulong at gabay ang mahal niyang ina na nagdisiplina sa kanya noon, at ngayong mabigat ang kanyang haharaping pananagutan bilang pangulo ay nakaatang pa rin ito sa balikat ng yumaong ina. Lagi raw siyang humihingi ng tulong sa kanyang ama (dating Davao City governor noong hindi pa nahahati ang probinsiya), at ina tuwing siya ay may problema.
Samakatuwid, may pusong-mamon din ang tigasing ala-sanggano na si Mayor Duterte na isa palang “mama’s boy”. Nangako siya ngayong siya na ang bagong presidente ng 100 milyong Pilipino, magbabago na siya, hindi na magmumura, at lalagyan ng zipper ang kanyang bibig. Siya raw ay magiging “prim and proper” bilang pangulo ng bansa at hindi na bilang alkalde ng Davao City na puro pagmumura ang sinasambit kapag nagagalit.
Sa halip na pu*a** ina, ang sasabihin na lang niya ay “Anak ng Jueteng” o “Tang” na isang uri ng inumin. Sana ay magtagumpay ka, Pangulong Rodrigo Roa Duterte (RRD). Kahimanawari ay maiangat mo ang kalagayan sa buhay, maitatag ang Pederalismo, at maghari ang kapayapaan sa ‘Pinas.
Malaki ang pag-asa ng mga mamamayan na tutugisin ni Mayor Digong ang halimaw sa mga ilegal na droga, wawalisin ang tanim-bala sa mga paliparan at ipakakain sa mga tiwaling tauhan ng paliparan ang mga bala.
Tid Bits: Sa Bocaue, Bulacan ay nagtabla ang dalawang kandidato sa pagka-mayor.
Pareho ang botong natamo nila. Solusyon: Toss Coin na kung sino ang manalo sa panghuhula ay siyang tatanghaling alkalde. Samantala, sa Unang Distrito ng Bataan, isang transgender, si Geraldine Roman, ang nagwagi. Siya ay anak nina ex-Bataan Rep. Antonio Roman at incumbent Bataan Rep. Herminia Roman. Sa halip na tawagin siyang Congressman o Congresswoman, siya ay tatawaging Congress person. Binabati kita, Congressperson Geraldine. (Bert de Guzman)