SA pagkakaliwat, ang ‘Foreign Affairs’ ang isa sa mga usapin noong nagdaang halalan sa Presidential Debates. Ngunit ang nakalulungkot, pahapyaw na nga lang itong nabigyang pansin, kulang pa sa detalye.
‘Liban sa gasgas na West Philippine Sea (WPS), relasyon sa Amerika, panghihimasok ng China sa ating karagatan, naging mababaw ang talakayan sa kabuuan ng mga nais maging presidente sa dapat ay pangunahing interes ng bansa sa mundo.
Mas mabilis nga naman makahatak ng boto ang suliranin sa kahirapan, trabaho, pabahay at kahalintulad na problema sa pangkaraniwang tao.
Ang kumakalam na sikmura, kasama ang mga taong nakakapit sa laylayan ng lipunan, ay pangunahing puntirya ng isang matalinong kandidato. Dahil marami ang mahirap, ito agad ang bukang bibig ng mga nais makasungkit ng panalo.
Kaya lang, baka nakakaligtaan ng sambayanan at ng mga kumakandidato, sa tantsahan, halos P60 bilyon, taun-taon, ang ninanakaw ng mga dayuhang mangingisda sa ating karagatan. Ibig sabihin, may kinalaman ang isyu ng ‘foreign affairs’ sa ‘national defense’, sa hanap-buhay at pagkain ng mamamayan.
Usapin sa kakayahan ng bansa na protektahan ang ating soberanya? Tinititigan tayo ng ibang bansa at inaalam kung seryoso tayong maninindigan?
Ang pinagbabatayan nila ay kahandaang gumastos at mamuhunan sa mga kagamitan at barko (kahit coast guard lang) na tatanod sa ating yamang-dagat at aalalay sa ating mga mangingisda. Ilan sa mga dapat gawin ay: maglagay ng parola sa mga isla ng WPS, ayusin ang runway, palakasin mga kampo roon, dagdagan ang katihan at modernong gamit, bumili ng missiles at ilapag sa Palawan, magparada ng dalawang barko sa Ayungin Shoal katabi ng LST na naging tahanan ng Philippine Marines, bumili ng mga submarine at anti-submarine aircraft, mangalap ng mga barkong donasyon para Coast Guard atbp.
Kontratahin ang isang Amerikanong kumpanya, at palawigin ang relasyon sa South Korea, Japan, Taiwan, Vietnam, Indonesia, Thailand, Australia, Mexico, Spain at mga bagong kaalyado; Brazil at India. (Erik Espina)