INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na malalaman na ang resulta ng halalang pambansa sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw. Nakatupad ang komisyon sa ipinangako nito. Ang mahalaga, nakumbinse nito ang mamamayan na tunay na malinis at tapat ang idinaos na eleksiyon.
Ilang oras makaraang magsara ang botohan ng 5:00 ng hapon nitong Lunes, namayagpag na sa mga kandidato sa pagkapangulo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, gaya ng tinaya ng mga opinion survey sa mga huling araw ng kampanya. Para sa bise presidente, dalawang pangalan ang nangunguna—sina Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Camarines Sur Rep. Leni Robredo—na sila ring namayagpag sa mga survey. Dapat na madesisyunan na ito ngayon, tatlong araw matapos ang eleksiyon nitong Lunes.
Sa lokal na eleksiyon naman, maraming bayan at siyudad ang nakapagproklama na ng kani-kanilang alkalde isang araw matapos ang botohan. Matibay na rin sa kani-kanilang pangunguna ang 12 senador, at ang tatlong nasa dulo ng listahan ay may tsansa pang umalagwa. Hindi na rin sorpresa ang mga nangunang kandidato sa pagkasenador.
Ang mga botanteng nakaaalala pa ng halalan noong dekada singkuwenta, hanggang sa mga sumunod na dekada hanggang panahon ng batas militar, nang walang isinasagawang eleksiyon, hanggang sa manumbalik ang demokrasya pagkatapos ng 1986, ay pamilyar na sa mga terminong “dagdag-bawas” at “guns, goons, and gold.” Inaabot ng ilang linggo, o minsan ay buwan pa nga, bago maiproklama ang mga nanalo. Ang pagsisimula ng automated elections noong ay nagdulot ng mga panibagong pagsususpetsa at akusasyon ng mas sopistikadong pandaraya gamit ang mga voting machine, ay lumutang pa nga ang mga bagong termino, gaya ng “hocus-PCOS.”
Isa sa mga dahilan ay ang pagiging hindi pamilya ng mga botante sa bagong sistema, na ang mga resulta ng botohan ay tinutukoy na lang ng makina, sa halip na manu-manong bilangin sa magdamag habang nakaantabay ang mga lokal na residente. Hindi rin naging sapat ang mga tauhan ng komisyon na nangasiwa sa automated elections noong 2010 at 2013 para mapawi ang pangamba at pagsususpetsa ng publiko.
Sa bahaging ito nagtagumpay ang bagong Commission on Elections na pinangunahan ni Chairman Andres Bautistra.
Naibalik nito ang security features na wala sa mga naunang halalan. Nang ipag-utos ng Korte Suprema na gamitin ang isang feature—ang pag-iimprenta ng resibo ng mga ibinoto—nagawa rin ng Comelec na maisakatuparan ito. Pinalawig ang oras ng botohan, ngunit ang resulta ay nagdulot ng kumpiyansa na maayos na gumagana ang mga voting machine at wasto nitong naitala ang mga boto, binilang, at naiulat na sa bansa ang pinili ng mga botante.
At ngayon, tatlong araw matapos ang eleksiyon nitong Lunes, nabigyang-katiyakan ang bansa na naging matagumpay ang pagdaraos nito ng eleksiyon sa lahat ng bahagi ng kapuluan sa mahigit 7,000 nagkalat na isla. May mga insidente ng karahasan. Nagkaaberya rin sa ilang voting precinct dahil sa mga pumalyang makina, na pinalitan makaraan ang ilang pagkakaantala. Ngunit sa kabuuan, naging matagumpay ang pagdaraos ng malinis at tapat na halalan.
Ito ang naging resulta ng magkakahiwalay ngunit maigting na pagtutulungan ng maraming opisyal at tanggapan, kabilang ang Malacanang at ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno, kasama ang magkakalabang partido, organisasyon, at kandidato. Agad ding umamin ng pagkatalo ang mga hindi sinuwerteng kandidato sa pambansang posisyon. Dahil dito, mas madali na ngayon para sa ating lahat ang magkaisa sa pagsuporta sa mga bago nating opisyal, sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte.