Patatatagin ng Pinoy golfer na si Miguel Luis Tabuena ang katayuan sa world ranking para masiguro ang silya sa golf competition ng Rio Olympics sa Agosto.
Kasalukuyang nasa No. 37, sasabak ang 21-anyos Philippine Open champion, sa 2nd AfrAsia Bank Mauritius Open sa Mayo 15-19, sa Four Seasons Golf Club sa Anahita, Mauritius.
Kinakailangan ni Tabuena na manatili sa kanyang kasalukuyang ranking upang makapasa sa International Golf Federation rules kung saan ang world’s top 60 men at women’s golfers ang magiging qualified sa 2016 Olympics na nakatakda sa Agosto 5-21.
Nasa ika-51 rank si Angelo Que na nakatakda namang sumali sa Kansai Open Golf Championship sa May 19-22, sa Hashimoto Country Club sa Wakayama, Japan. (Angie Oredo)