BAGAMAT humupa na ang init sa pulitika dahil sa katatapos lang na halalan, nananatili ang mainit na temperatura sa buong bansa.

Kapag naglalakad sa lansangan, dama natin ang init ng araw na halos tumagos hindi lamang sa damit ngunit maging sa balat.

Nakauuhaw, nakahihilo. Dahil dito, malakas ang benta ng bottled water at ice water kahit saan. Lalo na sa mga naiipit sa matinding trapiko sa maraming bahagi ng Metro Manila.

Nakaaawa ang lagay ng mga pasahero sa jeepney at ordinary bus. Walang air-con at bentilador, nagtitiis ang mga pasahero sa matinding init ng panahon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kanya-kanyang paypay, habang ang iba, bagamat tagaktak ang pawis ay dinaraan na lang sa tulog ang alinsangan ng panahon.

Sila ang mga taong walang ibang pagpipilian kung hindi sumakay sa ordinaryong pampublikong sasakyan dahil mas mura ang pasahe kaysa mga UV shuttle, air-con bus o app-based taxi service.

Mas titiisin pa nila ang pawis dahil sa kawalan ng air-con, at kawalan ng telebisyon sa sasakyan kaysa maipit sa tumirik na tren ng MRT o LRT.

Kaya pagdating sa opisina o eskuwelahan, iba na ang kanilang amoy kahit pa umalis sa bahay na bagong ligo at ang bangu-bango na mistulang “amoy baby.”

Hindi rin natin sila masisisi dahil barya lang ang kanilang bitbit sa biyahe.

Lalo na kapag naipit sa trapiko at walang hangin sa kapaligiran, tiyak na basang-basa sa pawis ang mga kaawa-awang pasahero.

Mas matindi ang pagtitiis ng mga sakay sa motorsiklo dahil wala silang bubungan bilang panangga sa init ng araw.

At kung pagmamasdan n’yo, halos magmukha na silang miyembro ng “bonnet gang” dahil balot ang mukha sa balaclava at may suot pang sleeves sa braso upang hindi masunog ang balat sa pagkakabilad sa araw.

Kung inyong pagmamasdan, nagsisiksikan ang mga rider na naiipit sa trapiko sa lilim ng mga puno upang makaiwas sa init ng araw.

Subalit tulad ng mga pasahero ng pampasaherong bus o jeepney, mas titiisin ng mga rider na sumagupa sa init ng araw kaysa maipit sa tumirik na MRT o LRT.

Ang palpak na serbisyo ng mga mass transport system sa bansa ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit tumindi pa ang pagdami ng motorsiklo sa bansa sa kabila ng kaliwa’t kanang aksidente na kinasasangkutan ng mga ito.

Ngayong bago nang administrasyon ang magsisimulang manungkulan sa Hulyo 1, 2016, sana’y matuldukan na ang kalbaryo ng mga sumasakay sa LRT at MRT. (ARIS R. ILAGAN)