ISULAN, Sultan Kudarat – Tatlong araw na ang nakalipas matapos ang halalan pero patuloy pa rin ang mga insidente ng karahasan sa ilang panig ng Maguindanao, habang ilang kandidato naman sa lokal na posisyon ang naghahain ng kani-kanilang protesta kaugnay ng botohan.

Nagbarikada at nakapanakit ang ilang tagasuporta ng kandidato sa pagkagobernador na si Datu Ali Midtimbang sa ORG Complex sa Cotabato City dahil sa umano’y pabagu-bagong ruling ni Maguindanao Provincial Election Officer Muamar Guyu.

Ito ay matapos na biglaang ilipat sa tanggapan ng Sangguniang Panglalawigan sa Buluan, Maguindanao ang canvassing ng mga boto na unang dinesisyunan ng Commision on Elections (Comelec) en banc na gagawin sa Shariff Kabungsuan Complex sa Cotabato City.

Kaugnay nito, itinanggi naman ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Election Regional Director Atty. Michael Abbas na kawani nila ang nabugbog ng mga tagasuporta ni Midtimbang makaraang kinakitaan umano ng ilang election paraphernalia sa lugar.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sa iba pang mga hiwalay na insidente, madaling araw nitong Mayo 11 nang maiulat ang tatlong pagsabog ng hinihinalang M-79 grenade launcher sa hilera ng kabahayan malapit sa headquarters ng Maguindanao Police Provincial Office sa Shariff Aguak.

Walang iniulat na nasaktan sa insidente, at naniniwala ang awtoridad na ang mga bahay ng mga tagasuporta ng mayoralty bet na si Datu Sajid Ampatuan ang target ng pambobomba.

Kinukumpirma rin ng pulisya ang napaulat na dalawang pamilya ang minasaker sa South Upi, Maguindanao. Pawang tagasuporta umano ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu ang mga biktima.

Sa isa pang hiwalay na ulat, magsasampa naman ng kaukulang kaso ang natalong kandidato sa pagkaalkalde ng Liberal Party sa Sultan sa Barongis, Maguindanao na si Abubakar Katambak laban sa nanalong si Ramdatu Angas, ng United Nationalist Alliance.

Batay sa dokumentong ipinakita ni Katambak, tinakot at sinaktan umano ng ilang tauhan ni Angas sa kanyang mga tagasuporta, at iginiit na kasabwat pa umano ni Angas ang ilang tauhan ng Philippine Army na nagbunsod sa kanyang pagkatalo.

Samantala, nabatid na naghain ng protesta sa lokal na Comelec si Datu Sajid Ampatuan ng Shariff Aguak, kaugnay ng umano’y labis na bilang ng mga nakaboto kumpara sa mga rehistradong botante sa nasabing bayan. Maliit lang ang lamang sa kanya ng nanalo si Marop Ampatuan.

Iniuugnay ni Sajid ang nangyari sa insidente nitong Mayo 8 nang tutukan umano ng baril ng ama ni Marop, si Datu Akmad Ampatuan, ang isa niyang kaanak at tagasuporta, na pinagsusuntok at pinagsisipa rin umano ni Marop.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi makuhanan ng pahayag o kumpirmasyon ang Comelec, bagamat tiniyak ng pulisya at military na payapa at maayos ang eleksiyon sa Maguindanao nitong Lunes, kumpara sa mga nakalipas na halalan.

(LEO P. DIAZ)