Hiniling ni Senator Jose Victor “JV” Ejercito sa Sandiganbayan na payagan siyang makabiyahe sa Hong Kong upang makapagbakasyon ngayong buwan.
Isinumite ng mga abogado ni Ejercito ang mga mosyon sa Sandiganbayan na humihiling na pahintulutan siyang makabiyahe sa Hong Kong sa Mayo 24-27, 2016.
Iginiit ng mga abogado ng senador na hindi maituturing na “flight risk” o may posibilidad na tumakas ang kanilang kliyente at handa itong maglagak ng piyansa sakaling papaboran ng korte ang kanyang kahilingan.
“Section 14(2), Article III of the Philippine Constitution provides, in part, that in all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary us proved,” saad sa mosyon ng senador.
“Considering that, to date, there has been no finding of guilt for the crime for which he is being charged, accused enjoys the Constitutionally guaranteed presumption of innocence," dagdag niya.
Si Ejercito ay nahaharap sa kasong graft at technical malversation kaugnay sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga submachine gun na nagkakahalaga ng P2.1 milyon, gamit ang calamity fund ng San Juan City noong alkalde pa siya ng siyudad.
Ang kasong technical malversation ay dinidinig ng Sandiganbayan Sixth Division habang ang graft case ay hawak ng Fifth Division. (Jeffrey G. Damicog)