Mauupo sa unang pagkakataon ang isang transgender sa Kamara de Representantes matapos manalo sa halalan nitong Lunes.

Inaasahang ipoproklama bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Bataan si Geraldine Roman, anak ng yumaong kongresista na si Antonino Roman at maybahay nitong si outgoing Rep. Herminia Roman.

Ipinagbunyi ni Rep. Herminia ang pagkapanalo ni Geraldine dahil naniniwala ang una na makatutulong ang anak sa pagsusulong ng mga panukala na mangangalaga sa kapakanan ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community sa bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“This is a big step to the acceptance of the LGBT to the mainstream of society. We will welcome her in Congress and hopefully we can approve now a bill that would prohibit discrimination of LGBT in schools and workplaces,” ayon kay Rep. Winston Castelo, ng Liberal Party.

Sa kanyang panig, sinabi nina Quezon City Congressman Alfred Vargas at Marikina City Rep. Miro Quimbo na malaki ang maitutulong ni Geraldine sa pagpapasa ng mahahalagang batas na may kinalaman sa LGBT.

Maging ang Commission on Elections (Comelec) ay tinukoy ang kasarian ni Geraldine bilang “she”, bilang pagkilala sa kanyang gender status, sa panunumpa niya bilang miyembro ng 17th Congress sa Hunyo. (Ben Rosario)