France, ‘pilay’ na sasabak sa Manila QQT.

Kung hindi na magbabago ang ihip ng hangin, may magandang hinaharap ang Gilas Pilipinas basketball team sa gaganaping FIBA Olympic Qualifying Tournament (QQT) sa Manila, sa Hulyo 5-10.

Sa ulat ng iba’t ibang pahayagan sa France, gayundin sa online news, ipinagpaliban umano ni French national team coach Vincent Collet ang pagsiwalat sa line-up ng France na sasabak sa Manila para sa isa sa tatlong slot na nalalabi para sa Rio Olympics.

Ayon sa ulat, tumangging sumama sa French team ang NBA stars na sina Nicolas Batum ng Charlotte Hornets, Evan Fourcier at Ian Mahinmi dahil sa napipintong rigodon sa liga bunsod ng pagkakapaso ng kani-kanilang kontrata sa pagtatapos ng season.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Sa panayam kay Bouna Ndiaye, manager at sports agent ng tatlong player, sa ‘Stade 2’ (Stage 2) show ng French TV channel France 2, na kailangang bantayan ng tatlo ang kani-kanilang kontrata bunsod ng pagiging ‘free agent’.

Nauna nang naipahayag ni Rudy Gobert, pamosong center ng Utah Jazz at beteranong miyembro ng French squad, na hindi siya makakasama sa biyehe sa Manila dahil sa injury sa paa.

Ayon kay Ndiaye, bilang mga ‘free agent’, kailangang maging agresibo ang mga players para makakuha ng bagong kontrata bago ang deadline sa Hulyo 10.

Nakatakda ang QQT sa MOA Arena sa Pasay City sa naturang petsa.

“At 100%, whatever happens, even if they all have the desire to come and play for the team of France, between the 1st July and the date of signature, they will be in the United States,” pahayag ni Ndiaye.

Iginiit ni Ndiaye na mahalaga sa tatlo ang responsibilidad sa National Team, ngunit kailangan nilang magsakripisyo ng konti para maipagpatuloy ang career sa NBA.

Mabilis namang sinabi ng naturang sports agent na handang maglaro ang apat na player sa Rio Olympics, sakaling makalusot ang France sa QQ.

Makakaharap ng France sa Manila QQT ang Gilas Pilipinas at New Zealand sa Group B. Binubuo naman ang Group A ng Senegal, Turkey at Canada.

Bukod sa Manila, kasabay ding gagawin ang QQT sa Turin, Italy at Belgrade, Serbia.

Naipahayag naman ng iba pang NBA star na sina Tony Parker at Boris Diaw ng San Antonio Spurs at Joffrey Lauvergne ng Denver Nuggets ang kahandaan na makalaro sa Manila.

Iginiit naman ni Gilas coach Tad Baldwin na hindi man makalaro ang naturang mga players, malakas at ‘team to beat’ pa rin ang France.