Handa nang magpasa ng kani-kanyang courtesy resignation ang limang kataong Executive Board ng Philippine Sports Commission (PSC) bago pa man iluklok ang bagong halal na pangulo ng Pilipinas.
“It’s the usual process,” sambit ni PSC Chairman Richie Garcia. “We are co-terminus and serves at the pleasure of the president.”
Asam naman si Garcia na mas bibigyang pansin ng bagong pangulo at pipiliin nitong mga bagong opisyales ng ahensiya ng gobyerno sa sports ang kapakanan ng mga pambansang atleta at mismong ang pambansang programa para sa palakasan.
Umaasa rin ito na makakapaghanda ang mga atleta na kabilang sa delegasyon ng bansa sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Agosto 5-21.
“Magandang regalo sana sa atin kung tuluyan nating makukuha ang unang gintong medalya,” sabi ni Garcia.
Matatandaan na si Garcia ay na-appoint sa ahensiya kasama ang apat na commissioners na sina Salvador Andrada, Wigberto “Iggy” Clavecilla, Atty. Jose Luis Gomez noong 2010 nang maihalal ang dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino.
Ang dating swimming champion na si Akiko Thompson ang pinakamatagal na commissioner sa ahensiya na naluklok noon pang 2005.
Kabuuang pitong atleta naman ang sigurado nang nakapagkuwalipika sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil na binubuo nina Charly Suarez at Rogen Ladon sa boxing, Eric Cray at Marestella Torres sa athletics, Kirstie Elaine Alora sa taekwondo, Ian Lariba sa table tennis at si Hidilyn Diaz sa weightlifting. (angie oredo)