Pinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P1 milyong multa ang CBC Bus Trans matapos mahuli ang isang unit nito dahil sa out-of-line operation sa Balintawak, Quezon City noong Marso 5.
Idinahilan ni Carlo G. Castillo, operator ng CBC Bus Trans, kay LTFRB Board Member Ariel Inton na inupahan lamang ang kanyang bus ng isang grupo para sa isang educational tour ng Youth for Christ movement nang mahuli ito sa colorum operation.
Subalit iginiit ni Inton na dapat sinunod muna ng operator ang legal na proseso sa pamamagitan ng pagkuha ng special permit bago bumiyahe.
Samantala, nahuli rin ang dalawang Silver Star Bus na may plakang AHA-3218 at DXZ-229 dahil sa pagbiyahe ng kolorum noong Mayo 7, sa Tagbilaran, Samar.
Dedesisyunan ng LTFRB ang kaso ng Silver Star Bus sa Mayo 17, ayon kay Inton.
“Mahalagang kumuha ng special permit kapag tatahak sa ibang ruta ang ating mga pampublikong bus,” pagdidiin ni Inton. (Czarina Nicole O. Ong)