Winalis ng halos lahat ng kandidato ng Liberal Party (LP), sa pangunguna nina re-electionist Mayor Herbert “Bistek” Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte, ang lahat ng lokal na posisyon sa siyudad matapos silang iproklama ng Board of Canvassers, kamakalawa ng gabi.
Sa official tally, naungusan ni Bautista ang kanyang tatlong katunggali na sina Martin Sanchez, Alexander Lague, at Leon Peralta ng 729,917 boto. Ito na ang ikatlo at huling termino ni Bautista bilang alkalde ng Quezon City.
Iprinoklama naman si Belmonte bilang bise alkalde matapos umani ng 736,274 na boto.
Sa pagkakongresista, wagi si Bingbong Crisologo sa First District na may 81,799 na boto; Winnie Castelo sa Second District, 172,001 boto; Jorge John Banal Jr. sa Third District, 79,579 na boto; Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa Fourth District, 115,002 boto; Alfred Vargas sa Fifth District, 134,946 na boto; at Kit Belmonte sa Sixth District, 102,171 boto.
Ang mga nanalong kandidato sa pagkakonsehal sa bawat distrito ay iprinoklama ng City Board of Canvassers at kabilang sa mga ito sina Roderick Paulate ng Second District, at Ali Medalya ng Fifth District.
Umaga pa lamang ay nabigo nang makapag-transmit ang 96 na memory card mula sa mga vote counting machine (VCM).
(Jun Fabon)