IPINAGDIRIWANG ngayon ng mamamayan at ng gobyerno ng Estado ng Israel ang anibersaryo ng kalayaan nito. Ang Araw ng Kalayaan ng Israel ay ipinagdiriwang tuwing ikalima ng buwan ng Iyar, na ang Hebreo na petsa ng pormal na pagtatatag ng Estado nang ang mga kasapi ng “provisional government” ay nagbasa at lumagda sa Deklarasyon ng Kalayaan sa Tel Aviv. Ang orihinal na petsa ng paglagda ay natapat sa Mayo 14, 1948, ng kalendaryong Gregorian. Ngayong taon, matatapat ito sa Mayo 12.
Ang nasabing araw, na tinatawag na Yom Ha’atzmaut, ay nagsimula ng madaling-araw kahapon, Mayo 11, at magtatapos ngayong gabi. Bago ito ay nagdaraos ng Yom Hazikaron, ang Memorial Day ng bansa upang magbigay-pugay sa mahigit 20,000 nasawing sundalo na nagbuwis ng kani-kanilang buhay upang matamo ang kalayaan ng bansa at siyang pinagkakautangan ng Israle ng “the very existence of the State.”
Ang mga seremonya mula sa Yom Hazikaron patungong Yom Ha’atzmaut ay ginagawa ilang minute bago magtakipsilim sa pamamagitan ng seremonyang Mount Herzi sa Jerusalem, na ang watawat ay iwinawagayway nang half-staff (dahil sa Memorial Day) hanggang sa tuktok. Naglalahad din ang pangulo ng Israel ng talumpati ng pasasalamat, at pumaparada ang mga sundalo mula sa army, navy, at air force bitbit ang kani-kanilang watawat. Ang parada sa gabi ay sinusundan ng seremonya ng torch lighting (hadlakat masuot) upang bigyang-pagkilala ang mga tagumpay ng bansa sa iba’t ibang larangan. Bukod sa mga opisyal na seremonyang ito, nagdaraos din ng mga kapistahan sa gabi sa mga pangunahing lansangan. Nag-aalok din ng mga libreng pampublikong pagtatanghal ang mga pambansa at lokal na pamahalaan. Marami ang ginugugol ang magdamag sa pag-indak ng mga katutubong sayaw ng Israeli at pag-awit ng mga katutubong awiting Israeli. Sa maghapon, namamasyal ang mga pamilyang Israeli para mag-picnic. Ang mga kampo ng militar, na nagtatampok ng mga huling technological achievements ng Israeli Defense Forces, ay binubuksan sa mga sibilyan. Tinatapos ang Yom Ha’atzmaut sa seremonyang naggagawad ng “Israel Prize” sa mga Israeli na nagkaloob ng natatanging kontribusyon sa kultura, siyensiya at sining ng bansa.
Ang mga Israeli at mga Pilipino ay kapwa nagpapahalaga sa demokrasya, kalayaan at karapatang sibil. Maayos din ang ugnayan ng Pilipinas at Israel. Malaki ang naging papel ng Pilipinas sa pagtatatag sa estadong Jewish. Ito lamang ang nag-iisang bansang Asyano na bumoto pabor sa partition resolution ng United Nations noong Nobyembre 29, 1947, na nagtatatag sa Estado ng Israel. Nagkaroong ng diplomatikong ugnayan ang dalawang bansa at pinagtibay ito sa paglagda sa Treaty of Friendship noong Pebrero 26, 1958. Taong 1962 nang binuksan ang Embahada ng Republika ng Pilipinas sa Tel Aviv at ang Embahada ng Estado ng Israel sa Maynila.
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Israel, sa pangunguna nina President Reuven Rivlin at Prime Minister Benjamin Netanyahu, sa pagdiriwang nila ng Araw ng Kalayaan.