Sinentensiyahan ng Cebu City Regional Trial Court (RTC) ng 20 taong pagkakakulong ang anak ng isang dating alkalde ng Talisay City sa Cebu at limang iba pa, dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagdukot sa dalawang tao na pinagsuspetsahang magnanakaw.

Kasabay nito, pinuri ni Justice Secretary Emmanuel Caparas ang parusang ipinataw ng korte kay Joavan Fernandez, anak ni dating Talisay City Mayor Socrates Fernandez, at limang iba pa, matapos mapatunayang guilty sa dalawang bilang ng slight illegal detention.

“Prosecutors of the OCP (Office of the City Prosecutor)-Talisay vigorously pursued the case as they did in other cases filed before them, and this should be emulated by other OCPs as well,” saad sa pahayag ni Caparas.

Kinasuhan si Joavan at mga kasamahan nito sa pagdukot kay Osbert Abellana at sa pinsan nitong si Winston noong Agosto 2008. Ayon sa korte, isang oras na ikinulong sa isang safe house sina Osbert at Winston matapos pagsuspetsahan na sila ang nagnakaw sa gulong ng sasakyan ng dating alkalde.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Sa 15-pahinang desisyon, hinatulan din ng 16 na taong pagkakakulong sina Benidick Gabasa, Mark Perez, Teodoro Ligaray, at dalawang menor de edad, sa pagdukot kay Winston.

Samantala, pinatawan din sila ng parusang pagkakakulong ng 12-20 taon sa pagdukot kay Osbert.

Bukod dito, pinagbabayad din ng korte ang mga hinatulan ng tig-P100,000 sa magpinsan at karagdagang P50,000 kay Osbert bilang danyos.

Sinuspinde naman ng korte ang pagpapatupad ng hatol sa dalawang menor de edad, base sa Section 38 ng Juvenille Justice and Welfare Act. (Jeffrey G. Damicog)