Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos sa kasong graft kaugnay sa $329 million ZTE-National Broadband Network (NBN) deal noong 2007.

Sa 43 pahinang desisyon ng Fourth Division ng anti-graft court, ipinaliwanag nito na bigo ang prosecution panel na patunayang nagkasala sa Abalos naturang asunto.

Si Abalos ay kinasuhan nang “gamitin umano niya ang kanyang posisyon bilang chairman ng Comelec nang magsilbi umano itong ahente ng Zhing Xing Telecommunications Equipment, Inc. (ZTE) ng China upang makuha ang $329-milyong kontrata ng pamahalaan sa National Broadband Network (NBN) project kapalit ng kanyang komisyon sa ilalim ng termino ni President Gloria Macapagal-Arroyo noong 2007.”

Sa reklamo, dumadalo si Abalos sa mga pagpupulong bukod sa paglalaro ng golf kasama ang mga opisyal ng ZTE.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa record ng kaso, hiningi umano ni Abalos ang balanse sa kanyang komisyon sa naturang proyekto sa mga opisyal ng ZTE, sa harap mismo ng testigo ng prosekusyon na si Jose “Joey” De Venecia III.

Inalok din umano ni Abalos si dating National Economic Development Authority (NEDA) Director General Romulo Neri ng P200 milyon bilang suhol upang aprubahan nito ang proyekto, at $10 million naman kay De Venecia upang hindi na makipag-away sa kontrata sa nabanggit na proyekto.

Si De Venecia ay dating presidente at general manager ng Amsterdam Holdings Inc. (AHI) na kasama rin sa bidder ng broadband project. (Rommel P. Tabbad)