MABALACAT CITY, Pampanga – Muling nahalal nitong Lunes ang alkalde ng bayang ito, na 21 taon nang nagsisilbing punong bayan, kaya naman maituturing na siya bilang pinakamatagal na nanilbihang alkalde sa bansa, na maaaring gawaran ng Guinness World Record.

Landslide ang pagkakapanalo ni Mabalacat City Mayor Marino “Boking’’ Morales matapos makakuha ng 40,174 mula sa kabuuang 78,758 boto sa siyudad. Ang pinakamalapit niyang katunggali, si 1st District Board Member Crisostomo Garbo, ay may 17,710 boto; habang si dating Vice Mayor Noel Castro at ang negosyanteng si Pyra Lucas ay may 10,788 at 5, 807 boto, ayon sa pagkakasunod.

Taong 1995 nang maluklok bilang alkalde si Morales matapos magsilbing bise alkalde.

Ayon kay Castro, napagsilbihan na ni Morales ang mahigit tatlong magkakasunod na termino, na isang paglabag sa 1987 Philippine Constitution at Local Government Code of 1991.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“It was a repeated violation of the Local Government Code,” sabi ni Castro. “He has been mayor since 1995—for 21 years to be exact.”

Sinabi ni Castro na nagkaroon lang ng break si Morales sa pagkaalkalde nang suspendihin ito ng Office of the Ombudsman sa loob ng anim na buwan dahil sa kasong may kinalaman sa quarrying, at noong 2007 nang ipaubaya nito ang puwesto sa bise alkalde nito sa loob ng 46 na araw, dahil sa isang electoral case.

Noong 1998, muling nahalal na mayor si Morales ngunit hiniling ng katunggali niya, ang pumanaw na negosyanteng si Anthony Dee, sa korte na magsagawa ng recount. Abril 2, 2001 nang magpasya ang Angeles City Regional Trial Court Branch 57 na si Dee ang nanalo sa eleksiyon noong 1998, ngunit hindi na nakaupo sa puwesto si Dee dahil pumanaw siya.

Pagsapit ng Agosto 6, 2001 at pagkatapos ng serye ng mga mosyon, pinal nang nagdesisyon ang korte na may dalawa pang termino si Morales dahil ang ikalawa niyang termino ay idineklarang walang bisa.

Taong 2004 nang naghain si Morales ng kandidato para sa re-election at agad na naghain ng diskuwalipikasyon ang kanyang mga kalaban sa pulitika sa kabila ng court ruling.

Gayunman, nagdesisyon ang Commission on Elections (Comelec) Second Division na ang huling termino ni Morales “was interrupted when the Ombudsman suspended him for six months in 1999 and because of his defeat to Dee in the 1998 mayoralty race”—hanggang mismong ang Korte Suprema na ang nagsabing maaari siyang kumandidato para sa re-election hanggang 2013.

Sa kabila nito, naghain pa rin ng kandidatura si Morales para kumandidatong alkalde ngayong taon, at iginiit na may dalawa pa siyang termino sakaling mahalal dahil nag-iba na ang status ang Mabalacat, na mula sa pagiging munisipalidad at naging component city noong 2012. (Franco G. Regala)