Iprinoklama na kahapon para sa kanyang ikatlong termino sa pagka-kongresista ng Las Piñas City si Mark Villar, anak nina Nacionalista Party president at dating Senator Manny Villar, at Sen. Cynthia Villar.
Itinaas ni Las Piñas Comelec Officer Kimberly Joy Alzate-Cu ang kamay ni Villar, hudyat na siya ang nanalo bilang kinatawan sa Kongreso, dakong 3:25 ng umaga kahapon.
Nakakuha si Villar ng kabuuang 174,533 boto katumbas ng 85.5 porsiyento ng voter turnout laban sa kanyang dalawang katunggali sa posisyon ng kongresista.
Agad nagpaabot ng pasasalamat si Mark Villar sa 304,311 rehistradong botante ng Las Piñas.
Kabilang sa iprinoklamang nanalo si Mayor Imelda Aguilar, maybahay ng nakaupong alkalde na si Vergel “Nene” Aguilar, at ang running mate nitong si incumbent Vice Mayor Louie Bustamante.
Nabatid na nakakuha ng 184,437 votes si Aguilar habang namayagpag din ang ka-tandem nito si Bustamante, na nakasungkit ng 166,457 boto.
Samantala, napaulat na rin ang pagkakaproklama bilang kongresista ng Pasay City kay incumbent Rep. Emi Calixto-Rubiano matapos magwagi sa 140,141 votes kumpara sa kanyang katunggaling si Sonny Quial, na nakakuha lang ng 30,679 na boto. (Bella Gamotea)