PAGKATAPOS ng halalan noong Lunes, naghihintay naman ngayon ang bansa sa proklamasyon ng mga nagwagi.
Sa kasamaang-palad, mas marami ang nabibigo kaysa nagwawagi. Karamihan sa mga kumandidato ay tahimik na pinaghihilom ang kanilang mga sugat.
Ang mga araw bago ang halalan ay mabigat na dalahin sa mga kandidato at sa mga bumubuo ng kanilang kampanya, maging sa pisikal, pinansiyal at emosyonal na aspeto.
Ang paglibot sa kapuluan ng mga kandidato sa mga pambansang posisyon ay lalo pang pinahirap ng matinding init ng panahon ngayong tag-araw.
Hindi biro-biro ang gastos sa kampanya, kaya tiyak na apektado ang kalagayang pinansiyal ng karamihan sa mga kandidato. Matindi rin ang epekto sa damdamin dahil sa pag-atake ng mga karibal sa personal na buhay ng mga kandidato at maging sa kanilang pamilya.
Sa maraming pagkakataon, ang mga isyung ibinabato sa mga kandidato ay kalabisan o katha lamang. Ang tunay ng mga isyu na dapat pag-usapan, gaya ng kahirapan, reporma sa pulitika, kapayapaan, at kabuhayan ay isinasantabi para mabigyang-diin ang eskandalo at kontrobersiya na magpapabagsak sa mga kandidato.
Isa pang nararanasan ng mga kandidato ay ang pagtataksil ng mga kaalyado at kaibigan. Sinasabi ng mga beterano sa pulitika, walang permanenteng kaibigan o kalaban sa daigdig ng pulitika, ngunit nakasusugat pa rin sa damdamin na mapagtaksilan ng mga kaalyado.
Sa kabila nito, mayroon pa ring tapat na kaibigan at kaalyado maging sa panahon ng halalan. Marami akong kaibigan na namamalaging kaibigan ko sa hirap man o sa ginhawa. Sa negosyo man o sa pulitika, mataas ang pagpapahalaga ko sa katapatan ng isang kaibigan o empleyado.
Sa aking pananaw, lumalabas sa halalan, lalo na sa panahon ng kampanya, ang pinakamaganda at pinakamasama sa mga tao. Sa maraming taon na ginugol ko sa pulitika, nakilala ko ang pinakamatatapat na kaalyado, ngunit nakita ko rin ang mga mersenaryo sa pulitika na ang paglilipat ng katapatan ay kasing dalas ng pagsikat at paglubog ng araw.
Para sa akin, ito ang trahedya ng pulitika sa Pilipinas.
Ang pulitika ay nararapat magbigay ng oportunidad para sa sinumang gustong maglingkod sa bayan, ngunit sa kasalukuyang galaw ngayon, nagiging malaking disinsentibo ito sa mga taong nais maglingkod.
Sino nga ba ang papayag na sumuong sa mga hirap na binanggit ko upang makuha ang isang posisyon sa pamahalaan?
Para sa mga natalong kandidato, ang mahalaga ay ang magpatuloy sa halip na magmukmok dahil sa sakit at kabiguan.
Mahirap tanggapin ang pagkatalo para sa mga naniniwalang sila ay nadaya, ngunit mas mahalaga ang interes ng bayan kaysa personal na kapakanan.
Sa aking pagtakbo sa pagka-pangulo noong 2010, nang makita ko na ang resulta ay hindi para sa akin, dagli kong pinulong ang aking grupo at tumawag ng isang press conference upang batiin ang nagwagi. Sa tanghalian naman ng sumunod na araw, pinulong ko ang mga opisyal ng aking Vista Land upang pag-usapan ang pagbabalik ko sa daigdig ng negosyo.
Ganito rin ang payo ko sa mga natalong kandidato. Mababawi nila ang mga ginugol nila sa kampanya, makapagpapanibagong-lakas ang katawan, at magkakaroon ng mga bagong alyansa. Ang pagkatalo sa halalan ay hindi nangangahulugan ng katapusan ng daigdig.
Ngunit kung titingnan natin ang malaking larawan, kailangan nating isipin kung paano mababawasan ang lason sa pulitika. Posible bang bawasan ang saksakan sa likod at sa halip ay mapalakas ang kolaborasyon? Maaari bang maging pangunahin ang debate sa mahahalagang isyu sa halip na paninirang personal? (Manny Villar)