HONG KONG/TAIPEI (Reuters) – Isang Taiwanese group ang nakialam sa kaso ng Pilipinas laban sa pag-aangkin ng China sa South China Sea, iginiit ang posisyon ng Taipei na may karapatan ang Taiwan sa pinag-aagawang karagatan bilang bahagi ng economic zone nito.

Lumutang ang hindi inaasahang pagsumite habang nakatakdang ilabas ng mga hukom sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague ang hatol nito sa makasaysayang kaso na idinulog ng Pilipinas sa United Nations’ Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ang hakbang na ito ay maaaring makaantala sa desisyon ng mga hukom na inaasahang ilalabas sa loob ng dalawang buwan, at posibleng magpakumplikado sa lumalalang iringan sa teritoryo sa mahalagang bahagi ng tubig.

Noong nakaraang buwan, pinahintulutan ng mga hukom ang written evidence mula sa government-linked Chinese (Taiwan) Society of International Law, kahit na ang Taiwan ay hindi miyembro ng United Nations, o signatory sa UNCLOS, sinabi ng legal at diplomatic sources sa Reuters.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bukod sa pagrepaso sa ilan daang ebidensiya mula sa Taiwan, humiling din ang mga hukom ng karagdagang impormasyon mula sa Pilipinas at China, sinabi ng legal sources na malapit sa kaso.

Hinahamon ng Pilipinas ang legalidad ng mga pag-aangkin ng China sa buong South China Sea, sa katwiran na walang reef, atoll o islet sa kapuluan ng Spratly ang maituturing na isla, kayat wala itong karapatan sa 200 nautical mile (370 km) exclusive economic zone.

Ang hawak ng Taiwan na Itu Aba ay ang pinamakalaking bahura sa Spratlys at naniniwala ang ilang analyst na ito ang may pinakamalakas na claim sa island status at sa economic zone. Ang Spratlys ay inaangkin din ng Vietnam at Malaysia habang inaangkin ng Brunei ang mga tubig katabi nito.

Kamakailan ay kinontra ng Taiwanese officials ang naunang ebidensiya ng Pilipinas na ang Itu Aba ay isang “rock” na hindi kayang suportahan ang natural human habitation, kayat hindi nito maaaring angkinin ang island-status, o magkaroon ng EEZ.

Binanggit ang iba’t ibang ulat at pahayag ng gobyerno bilang ebidensiya, nakasaad sa submission ng society sa korte na “it is clear that Taiping Island (Itu Aba) is an island which can sustain human habitation and economic life of its own under....UNCLOS.”

Wala pang komento ang Pilipinas sa hakbang ng Taiwanese group.

Sinabi ni Ian Storey, South China Sea expert sa ISEAS Yusof Ishak Institute ng Singapore, na hindi man magugustuhan ng China ang pagbibigay ng korte ng “international space” sa Taiwan kaugnay sa isyu, “Beijing may decide to look the other way.”