Matapos sumiklab ang tensiyon at magbarikada sa harapan ng Muntinlupa City Hall ang mga tagasuporta ng dating alkalde na si Aldrin San Pedro, tuluyang humupa ang kaguluhan kasunod ng pagkakaproklama muli bilang alkalde ng lungsod kay incumbent Mayor Jaime Fresnedi, kahapon ng umaga.
Pasado 12:00 ng hatinggabi nang nagsimula ang tensiyon sa pagitan ng mga tagasuporta ni San Pedro, na nakasuot ng berdeng T-shirt, at ng mga nakadilaw na supporters ni Fresnedi.
Pinigil ng mga tagasuporta ni San Pedro na mailabas sa City Hall ng mga Board of Election Inspector (BEI) ang mga vote counting machine (VCM) na ginamit sa eleksiyon at iprinotesta ang umano’y hindi patas na bilangan ng mga boto para sa dating alkalde.
Maagap naman ang mga tauhan ng Muntinlupa City Police na protektahan ang mga BEI at namagitan sa posibleng pag-init ng tensiyon sa pagitan ng dalawang partido matapos iutos ng hepe ng pulisya na si Senior Supt. Nicanor Salvador na ipatupad ang maximum tolerance.
Dakong 6:00 ng umaga nang mapilitang bombahin ng tubig ng mga bombero ang mga nagbarikadang supporter nina San Pedro at Fresnedi sa kalsada na nagdulot pa ng matinding traffic.
Makalipas ang dalawang oras, nagpasyang kumalas sa barikada at umuwi ang mga basang-sisiw na supporters ng dalawang kandidato.
Bandang 8:20 ng umaga nang iproklama ni Comelec Officer Atty. Allan Sindo si Fresnedi bilang punong bayan, running mate na si Vice Mayor Celso Dioco, Congressman Ruffy Biazon at 16 na konsehal ng siyudad. (Bella Gamotea)