Bagamat kalmado ang disposisyon ni Mar Roxas, patuloy pa rin ang pagsigaw sa kanyang pangalan ng kanyang mga tagasuporta dahilan upang maluha siya habang tinatanggap ang pagkatalo sa kanyang katunggali sa pagkapangulo na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. 

“Based on the unofficial count of the Comelec (Commission on Elections), it is clear that Mayor Rodrigo Duterte will be the next president of the Republic of the Philippines,” pahayag ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas.

Hanggang 2:00 ng hapon kahapon, lumitaw sa unofficial count ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na aabot sa 6,107,358 boto ang lamang ni Duterte kay Roxas.

Sa 91.71 porsiyento ng nabilang na boto mula sa 86,461 polling precinct, umani si Duterte ng 15,392,012 boto kumpara sa 9,284,654 boto na nakuha ni Roxas.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Digong (palayaw ni Duterte), I wish you success. Your victory is a victory of our people and of our country,” dagdag ng naging pambato ng administrasyong Aquino.

Habang nagpapasalamat sa kanyang mga tagasuporta, hindi napigil ni Roxas ang maging emosyonal at lumuha.

Pinasalamatan din ng dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Pangulong Aquino, ang kanyang pamilya, ang maybahay niyang si Korina Sanchez, at ang running mate na si Camarines Sur Rep. Leni Robredo dahil sa kanilang suporta at pagtataguyod sa plataporma ng “Daang Matuwid.” 

“To all of you who took up the cudgels, who shared in our aspirations, na nakasama kong tumayo, maraming, maraming salamat sa inyong lahat,” ani Roxas.

“I read somewhere that it is not the battle or the conquest that we remember. But the soldier who stood beside us, na tumotoo sa atin, who we treasure the most,” dagdag ni Roxas. (AARON RECUENCO)