NALOKA ang netizens sa nabasang post ni Robin Padilla sa Instagram na hinahamon ng duwelo si Sen. Antonio Trillanes dahil sa pahayag nitong hahabulin si Duterte sa mga isinampa niyang kaso rito matalo o manalo man ito.
Pumunta sa Pinaglabanan Shrine si Robin at doon yata niya hinamon si Trillanes, nag-post ng picture at naka-Duterte ang kamao at ang caption ay, “Andito na ako nag-iisa Let’s get it on!!!”
Pero hindi dumating si Trillanes dahil hindi naman yata nakarating ang hamon ni Robin.
May mga kaibigan si Robin gaya ni Atty. Philip Jurado na nagpayo sa kanya ng, “Kaibigan I read your Instagram tungkol sa hamon mo kay Trillanes... ingat bawal ‘yan... challenging to a duel is punishable under Article 261 of the Revised Penal Code... kaibigan delete na siguro natin ‘yan.”
Ang sagot ni Robin, “Napakaraming bawal sa bansang ito katulad ng duel pero ang ginagawa ng taong ito (Trillanes) hindi bawal dahil nasa kapangyarihan siya!!! If we do not empower the right people we will continue to experience the wrath of this insane mutineer senator.”
Pumayag lang umalis ni Robin sa Pinaglabanan Shrine nang mag-text sa kanya si Atty. Glen Pangapalan ng, “Mabuhay pare ko. Stand down na daw tayo sabi ni Mayor, nanawagan siya ng pagkakaisa at healing sa bawat isa ngayong tapos na ang eleksiyon.”
Sagot ni Robin, “Ok uwi na ako, pare ko.”
Pero may isa pang isyu na hindi pa nasasagot ni Robin. Ito ‘yung pagkuha niya ng picture sa kanyang balota habang bumoboto at ipinost sa kanyang IG. Bawal daw ‘yun kaya may netizens na nag-react dahil bakit daw sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo lang ang na-bash nang kumalat ang picture sa social media na kuha sa loob ng presinto nang bumoto rin ang mga ito, dapat daw pati si Robin ma-bash din na nangyari naman.
May mga dumepensa kay Robin na nagsabing sample ballot lang ang hawak nito that time, kaya wala siyang nilabag na batas. Ang sagot ng netizens, kung sample ballot lang ‘yun at walang batas na nilabag si Robin, bakit niya dinelete ang kanyang post?
Hindi pa ito nasasagot ni Robin dahil busy pa siya kay Trillanes, pero siguradong sasagutin din niya ang isyung ito.
(NITZ MIRALLES)