RIO DE JANEIRO (AP) — Pinakiusapan ni Brazil soccer great Rivaldo ang mga turista na dumistansiya sa pagdalo sa Olympics sa Rio de Janeiro bunsod ng banta ng lumalalang kaguluhan at krimen sa bansa.
Sa kanyang mensahe sa Instagram, sinabi ni Rivaldo na malaki ang banta sa kaligtasan ng mga turista ang kaguluhan at ibinigay na halimbawa ang pagkasawi ng 17-anyos na babae dahil sa barilan.
“Things are getting uglier here every day,” pahayag ni Rivaldo.
“I advise everyone with plans to visit Brazil for the Olympics in Rio — to stay home. You’ll be putting your life at risk here. This is without even speaking about the state of public hospitals and all the Brazilian political mess. Only God can change the situation in our Brazil,” aniya.
Nakatakda ang Olympics sa Agosto 5-21.
Sa kaugnay na pahayag, sinabi ng Amnesty International na may kabuuang 11 katao ang napatay dahil sa shootings sa favelas, isang iskwater area sa Brazil, nitong April. Sa nakalipas na taon, umabot na umano sa 307 katao ang napapatay dahil sa kaguluhan sa lungsod.
Kabilang ang kaguluhan sa problemang kinakaharap ng Olympic organizers bukod sa mapaminsalang Zika virus, water pollution, at mababang benta ng tiket. Lubog din ang ekonomiya ng bansa dahil sa pagpapatalsik sa kanilang pangulo na si Dilma Rousseff bunsod ng kurapsiyon.