TIGIB ng hinanakit kay Presidente Aquino ang pahayag ng pamilya ng nawawalang farmer-activist na si Jonas Burgos na sinasabing dinukot ng militar sa isang mall sa Quezon City noong Abril 28, 2007. Si Jonas ay anak ng yumaong peryodista at freedom fighter na si Joe Burgos, at ni Edita Burgos.

Ang naturang pagdaramdam ng Burgos family ay nakaangkla sa umano’y pangako ng Pangulo na malulutas at malalapatan ng katarungan ang pagdukot kay Jonas bago matapos ang kanyang panunungkulan. Makabagbag-damdamin ang pahayag ni JL Burgos, kapatid ni Jonas: “Six years ago, President Aquino gave his words to the Burgos family. He promised that Jonas will be surfaced and that justice will be served. The terms of the President is almost over and yet Jonas remains a desaparecido nine years after he was abducted.”

Dahil dito, may matuwid ang Burgos family upang ibaling ang kanilang pag-asa sa susunod na mahahalal na presidente ng bansa. Umaasa sila na ang bagong liderato ay hindi magiging bahagi ng pagtatakip ng pagdukot ng militar kay Jonas.

Magugunita na ang license plate ng sasakyan na ginamit sa pagdukot kay Jonas ay natunton sa kampo ng 56th Infantry Batallion ng Army, sa Bulacan. Ito ang dahilan kung bakit kinatigan ng Supreme Court (SC) ang paninindigan ng Court of Appeals (CA) na ang Army ang may pananagutan sa pagkawala ni Jonas. Subalit sa kabila ng utos na siya ay hanapin, siya ay nananatiling isang desaparecido. Hindi ba pinakinggan ng Pangulo ang karaingan ng Burgos family na atasan ang militar na tumalima sa utos ng SC?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi naman nag-iisa ang Burgos family, kung sabagay, sa paghahanap ng mailap na katarungan. Marami tayong kapatid sa media na biktima ng karumal-dumal na pagpaslang subalit hanggang ngayon ay hindi pa nagtatamo ng hustisya.

Nakaukit na sa malagim na kasaysayan ng pamamahayag sa bansa ang pagdukot at pagsunog kina Bubby Dacer at sa kanyang tsuper, maraming taon na ang nakalilipas. Bukod pa rito ang ating mga kapanalig sa print at broadcast outfit na hanggang ngayon ay nagbibiling-baligtad sa kani-kanilang mga libingan dahil nga sa kawalan ng katarungan. Sino ang makalilimot sa nakakikilabot na Maguindanao massacre na ikinamatay ng ating 36 na mamamahayag?

Sila, at marami pang iba, ay pawang mga biktima ng mga pangakong hustisya na nananatiling nakapako. (Celo Lagmay)