Pag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) ang naging performance ng mga vote counting machine (VCM) nitong Lunes.

Ito ay matapos na mahigit 2,000 VCM ang nagkaaberya sa kasagsagan ng botohan.

“Allow us to make an assessment first of the elections and performance of the machines,” sinabi ni Comelec Commissioner Luie Guia sa panayam kahapon.

Aniya, gagamitin ng Comelec sa isasagawang evaluation ang mga report na nakalap nito sa field kaugnay ng iba’t ibang kapalpakan ng mga VCM.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We don’t want any of these failures so we will really look into these reports,” ani Guia.

Sinabi ng komisyuner na pag-aaralan din ng Comelec ang posibleng pagpapanagot sa Smartmatic International, ang service provider ng VCM, sa naging problema, alinsunod sa kanilang kontrata.

Tungkol sa posibleng penalty, sinabi ni Guia na maaari nilang pigilin ang pagbabayad sa bahagi ng kabuuang bayarin ng Comelec sa Smartmatic.

Nasa 2.55 porsiyento ng 92,509 na VCM ang pumalya nitong Lunes, at 150 sa mga ito ang kinailangang palitan.

Sa eleksiyon noong 2013, 4,760 sa 77,829 na Precinct Optical Scan (PCOS) machine ang nagkaaberya, at 171 ang kinailangang palitan, habang noong 2010, 1,966 sa 76,347 PCOS machine ang pumalpak, at 205 ang pinalitan.

(Leslie Ann G. Aquino)