Umaasa si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na magiging tradisyon na sa mga susunod na halalan sa bansa ang kusa at agarang pagko-concede o pag-amin ng pagkatalo ng mga kandidato.
Naniniwala si Bautista na makatutulong ang hakbanging ito upang maibsan o tuluyang mapawi ang “political tension”.
“I would like to congratulate candidates who have already conceded,” sabi ni Bautista. “If the candidates believe that he or she no longer has the chance to win, I think the proper thing to do is to concede. I know several have already conceded and I hope that this will become a tradition that will be practiced in future elections.”
Hatinggabi nitong Lunes nang mag-concede si Senator Grace Poe kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na patuloy na nangunguna sa mga inihalal bilang susunod na pangulo ng bansa.
Maging ang pumapangalawa kay Duterte na si Mar Roxas ay nag-concede na rin kahapon ng tanghali.
Nag-concede na rin kahapon sina Senators Francis Chiz Escudero at Antonio Trillanes sa mananalong bise presidente, bagamat nananatiling neck-and-neck ang labanan nina Camarines Rep. Leni Robredo at Sen. Bongbong Marcos hanggang sa sinusulat ang balitang ito.
Samantala, sinabi ni Bautista na hanggang 11:00 ng umaga kahapon ay 95.15 porsiyento na ng election returns ang na-transmit sa tatlong server ng Comelec.
“This is just 17 hours after the polls closed. This is again a new record and we are still awaiting the returns of the other jurisdictions including that of the overseas Filipino voting,” ani Bautista.
Kapag nakumpleto na ang election returns, sisimulan na ng Comelec ang canvassing ng mga boto para sa mga senador at party-list representative. (LESLIE ANN G. AQUINO)