DAVAO CITY – Para sa negosyante at presidente ng American Chamber of Commerce (AmCham) na si Philip Dizon, magkakaroon ng napakalaking pagbabago at kaunlaran sa Mindanao kapag opisyal nang nailuklok sa puwesto ang administrasyong Duterte.

“There’s going to be real change especially in the development paradigm of Mindanao. And this will happen under the Duterte presidency,” sinabi ni Dizon sa eksklusibong panayam sa kanya ng may akda kahapon.

Naniniwala si Dizon na tututukan ng susunod na Pangulo ng bansa, si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ang dalawang industriya sa pagpapaunlad sa rehiyon—ang agrikultural at industriyal.

“Mindanao is the poorest despite it being rich in resources, particularly in agriculture. Mindanao, in terms of agricultural resources is considered as self-sustained island,” paliwanag ni Dizon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, akma ang mga plano ni Duterte sa pagpapaunlad ng agrikultura upang pasiglahin ang sektor ng pagsasaka sa isla—kabilang ang mga prioridad nitong programa para agad na maaksiyunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda.

Sa aspetong industriyal, sinabi ni Dizon na panahon na upang sumipa ang ekonomiya ng Mindanao dahil sa estratehikong lokasyon nito sa Asia at Southeast Asia.

Aniya, isa ang pagmimina sa mga industriyang dapat na bigyang-prioridad ng bagong Presidente, dahil ang Mindanao ay “sitting in the bed of gold”, ngunit mahalaga, aniya, na maging responsable sa pagmimina.

Hinikayat din niya na iugnay ng administrasyong Duterte ang Mindanao sa iba pang bansa sa Asia at Southeast Asia.

“International flights must have stop over here in the major cities in Mindanao,” aniya, sinabing tiyak na magpapaunlad ito ng kalakalan at pamumuhunan sa rehiyon.

At higit sa lahat, iginiit ni Dizon na tugunan ng administrasyon ni Duterte ang usapin sa seguridad upang makahikayat ng mga negosyante at mamumuhunan. (ALEXANDER D. LOPEZ)