ISA sa limang kilalang uri ng halaman sa mundo ang nanganganib na tuluyang maglaho.

Ito ang natuklasan sa kauna-unahang pandaigdigang ulat tungkol sa mga halaman sa Earth.

Ayon sa ulat ng Time magazine, itinala ng mga awtor ng ulat na pinamagatang “State of the World’s Plants” ng Royal Botanical Gardens Kew ng London, ang 390,000 kilalang klase ng halaman, at kung paano nakahanap ng paraan ang mga tao upang maging kapaki-pakinabang ang mahigit 30,000 sa mga ito.

Mula sa mga uri ng halaman na delikadong tuluyan nang maglaho sa mundo, halos sangkatlong bahagi o tatlumpu’t isang porsiyento ang nanganganib dahil sa malaking posibilidad na mapinsala ang kanilang habitat, bunsod ng lumalaking pangangailangan para sa lupaing mapagtataniman ng pagkain, kabilang rito ang pagpapapatag sa maraming kagubatan sa daigdig para bigyang-daan ang produksiyon ng palm oil, o para sa pag-aalaga ng hayop.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bukod dito, malaki na rin ang pangangailangan para sa troso, na naglalagay sa panganib sa dalawampu’t isang porsiyento ng mga endangered na uri ng halaman.

Labing-tatlong porsiyento naman ng mga delikadong maglaho na uri ng halaman ay dahil sa konstruksiyon, natukoy din sa ulat.

Umaasa ang mga nagsaliksik sa nabanggit na pagsusuri na makatutulong ang kanilang mga natuklasan upang magkaroon ng batayan at pagsisimulan sa pagtunton sa mga bantang ito sa mga halaman, na mahalaga sa pagpapatuloy ng buhay ng sangkatauhan.

Sinabi ni Professor Kathy Willis, director of science sa Kew, na siya ay “reasonably optimistic” na makakatulong ang ulat upang masolusyunan, mapigilan, o kaya naman ay tuluyang matuldukan ang mga bantang ito sa mga halaman sa mundo.

“Plants provide us with everything – food, fuel, medicines, timber and they are incredibly important for our climate regulation. Without plants we would not be here. We are facing some devastating realities if we do not take stock and re-examine our priorities and efforts,” sabi ni Willis.