Iminumungkahi ng isang mambabatas sa Visayas ang pagpapawalang-bisa sa Batas Pambansa Blg. 36 o An Act Imposing an Energy Tax on Electric Power Consumption.
Sinabi ni Rep. Wilfredo S. Caminero (2nd District, Cebu) na ang BP 36 ay inaprubahan noon pang Setyembre 7, 1979 sa layuning makatipid sa enerhiya at maisulong ang maayos na paggamit nito. Saklaw ng batas ang residential consumers na kumokonsumo ng 650 kilowatt-hours kada buwan.
Sa panahong iyon, ayon kay Caminero, may krisis sa langis at kuryente at nasa kamay ng gobyerno ang generation at transmission sa pamamagitan ng National Power Corporation (NPC) kaya’t ang pagpatong ng dagdag na buwis sa elektrisidad “was a valid means to encourage energy conservation.”
Ngunit iginiit niya na matapos ang 37 taon, ang BP 36 ay hindi na isang insentibo para magtipid ng enerhiya at hindi na rin nakapagsusulong ng “efficient utilization of electricity.” (Bert de Guzman)