Abalang-abala ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Develpoment Authority (MMDA) at mga tauhan ng solid waste management office ng mga lungsod sa Northern Metro area sa paghakot sa tone-toneladang basura na iniwan ng katatapos na eleksiyon.
Sa kabila nito, ganado sa paglilinis at paghahakot ng basura ang mga tauhan ng apat na city hall, dahil ang mga incumbent mayor ng apat na siyudad pa rin ang nahalal.
Ayon sa kanila, tatlong taon uli silang may trabaho dahil sa pagkakapanalo ng kanilang mga alkalde.
Magpapatuloy ng kani-kanilang termino sina Mayors Oca Malapitan ng Caloocan City, Lenlen Oreta ng Malabon, John Rey Tiangco ng Navotas, at Rex Gatchalian ng Valenzuela City.
Samantala, bukod sa paghahakot ng basura sa mga national road, service road, at sa mga paaralan na naging polling precinct, abala rin ang mga ito sa pagbabaklas sa posters, stickers, tarpaulin at iba pang campaign materials ng mga kandidato.
Kasama rin sa mga hinahakot na basura ang mga Styrofoam, na karamihan ay pinaglagyan ng pagkain ng mga watcher.
(Orly L. Barcala)