Nanalo sa kani-kanilang posisyong tinakbuhan ang tinaguriang “Big 4” ng Caloocan City, matapos silang iproklama ng Commission on Elections (Comelec), kahapon ng umaga.
Ginawa ang proklamasyon sa Bulwagang Katipunan sa Caloocan City, na roon pormal na idineklara bilang mga halal na opisyal ng siyudad sina Mayor Oscar Malapitan, Vice Mayor “Maca” Asistio III, First District Rep. Dale Gonzalo Malapitan, at Second District Rep. Edgar Erice.
Milya ang naging panalo ni Malapitan sa nakatunggali na si dating Mayor Recom Echiverri, at ganun din ang panalo ng nakatapat ni Vice Mayor Asistio na si Ato Oliva.
Naging solido rin ang panalo ni Rep. Malapitan sa nakabangga niyang si Susan Africa, gayundin ang panalo ni Erice kay dating Congresswoman Mitch Cajayon.
Ayon sa “Big 4”, bibigyan nila ng prioridad ang mga proyektong pangkalusugan, edukasyon, katahimikan at kaayusan sa siyudad. (Orly L. Barcala)