DAHIL sa eleksiyon nitong Lunes, nalantad ang pagkakaiba ng pagkakaunawa ng mamamayan tungkol sa batas militar.
Taun-taon simula noong 1986, ipinagdiriwang ng Pilipinas ang EDSA People Power Revolution na “restored democracy” sa ating bansa. Nagtitipun-tipon ang mga tao sa EDSA upang gunitain kung paanong noong 1986, mahigit isang milyong katao ang nagkaisa at nagsama-sama malapit sa Camp Crame bilang pagpapakita ng suporta kina noon ay Philippine Constabulary chief Fidel V. Ramos at Defense Secretary Juan Ponce Enrile na kapwa binawi ang kani-kanilang suporta sa administrasyong Marcos.
Ngunit iilan na lang ngayon ang nakakaintindi kung bakit nagkaroon ng People Power Revolution. Sa mga librong pampaaralan ngayon, marami ang mababasa tungkol sa mga kaganapan sa EDSA noong Pebrero 1986, ngunit iilan lamang ang nakababatid kung ano ang tinututulan noon—ang batas militar na nagsimula noong Setyembre 21, 1972, na opisyal na binawi noong 1981, ngunit patuloy na umiiral sa buong gobyerno at sa bansa hanggang sa maisakatuparan na nga ang 1986 EDSA Revolution.
Tinangka ng administrasyong Aquino na tugunan ito sa pagbubukas ng isang Martial Law Museum noong unang bahagi ng taong ito sa Camp Aguinaldo, at itinampok doon ang mga litrato ng panahon ng batas militar, audio-video documentation, maging dula sa mga eksena ng piitan na napakarami—mga opisyal ng gobyerno, lider-pulitiko, mamamahayag, kabataang aktibista—ang ikinulong sa loob ng ilang buwan. Sa isang bahagi ng museo, makikita ang mga batang anak ng mga basta na lamang naglaho noong batas militar, bitbit ang mga larawan ng kani-kanilang magulang at inuusisa ang mga nagdaraan kung alam ba nito kung ano ang kinasapitan nila.
Sa mga huling linggo bago ang halalan nitong Lunes, nagsahimpapawid ang gobyerno ng mga mensahe sa radyo na nagbabalik-tanaw sa mga karanasan ng mamamayan sa pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng ating bansa, ang pagpapasara sa Kongreso, gayundin sa mga tanggapan ng pahayagan at iba pang kumpanya sa pamamahayag, at diktadurya, na ipinatupad para mapigilan umano ang pamamayagpag ng mga komunista sa bansa.
Ang nasabing pagbabalik-tanaw sa panahon ng batas militar ay bahagi ng kampanya laban sa batang Marcos, na kumandidato sa pagka-bise presidente. Kalaunan, ginamit din ito laban sa isang kandidato sa pagkapangulo na nagbantang ipasasara ang Kongreso, gaya ng ginawa ni Pangulong Marcos noong 1972.
Hindi maraming nabubuhay sa ngayon ang buhay na noong panahon ng batas militar. Ang mga millennial, o silang isinilang o nagkaisip noong 2000, ay hindi pa nipinanganak noong 1972. Kaya naman kapag pinag-uusapan ang mga karanasan ng batas militar sa katatapos na kampanya ay maraming kabataan ang nahihirapang maunawaan ang tungkol dito. Nasa mga lumang librong pampaaralan ang tungkol sa EDSA People Power Revolution, ngunit walang detalye kung ano ang nagbunsod sa mapayapang rebolusyon—ang batas militar at ang diktadurya na nagsimula noong 1972.
Panahon na upang iwasto ang sitwasyong ito. Ang 44 na taong nakalipas simula noong 1972 ay sapat nang panahon upang magkaroon ng akmang pag-unawa sa kasaysayan ang bawat Pilipino na magkukumpleto sa kaalaman ng mamamayan tungkol sa nakalipas na, dahil sa nakaraang halalan, ay nakaaapekto pa rin sa ating mga buhay.