Tumanggi ang Commission on Elections (Comelec) na palawigin pa ang oras ng botohan kahapon.
Ito’y maliban na lamang sa mga polling precinct na naantala ang botohan dahil sa iba’t ibang aberya tulad ng pagpalya ng vote counting machines (VCM) na kaagad ding pinalitan.
Dakong 4:00 ng hapon nang ianunsyo ni Comelec Chairman Andres Bautista sa command center sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, ang napagkasunduan nilang huwag nang palawigin ang voting hours sa mga lugar na maayos ang naging takbo ng botohan.
Gayunman, nagbigay ng isang oras na extension, o hanggang 6:00 ng gabi, ang Comelec para sa mga presinto na naantala ang pagbubukas ng botohan o mula 9:00 ng umaga pataas.
Ang voting hours para sa 2016 National and Local Elections ay mula 6:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
(Mary Ann Santiago)